Kamakailan ay sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paghuli sa mga riders na tumatambay sa ilalim ng mga tulay at overpass kapag umuulan.
Ang mga violators ay inisyuhan ng tiket, na ang kaakibat ay multa na nagkakahalaga ng PHP1,000.
Nag-trending pa ang ilang posts sa social media na nagpapakita ng pagsikip ng major thoroughfares sa siyudad dahil nahaharangan ng mga sumisilong na riders habang malakas ang ulan.
Ilang linggo na ang nakalilipas, naglabas ng memo ang MMDA para sa guidelines kaugnay ng isyung ito.
Ang mga mandato ay sinimulang ipatupad ng MMDA noong sumapit ang August 1, 2023.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Don Artes, pinapayagan ang riders na huminto para isuot ang kanilang kapote, pero hindi sila puwedeng magpalipas ng ulan.
May ilan na silang nahuli na lumabag dito.
At plano raw nilang i-fully implement ito sa mga susunod na araw.
“Ino-observe po kasi natin sa CCTV cameras natin sa ating bagong command center, kung sino lamang yung talagang tumitigil nang matagal, sumisilong para magpatila ng ulan,” ani Artes sa panayam Unang Hirit, noong August 4, 2023.
Paglilinaw niya, “Pinapayagan po nating magsuot ng kapote, and then pinaaalis namin o nire-remind na umalis, kaya konti lamang po ang ating natiketan.
“Pero next week, talagang maghihigpit na po tayo ng panghuhuli sa mga tumatambay sa ilalim ng footbridge.”
Inulit muli ni Artes na hindi nila hinuhuli ang mga tumatabing riders para magsuot ng kapote.
“Ang pinagbabawal po natin ang pagsilong at paghihintay ng pagtila ng ulan dahil nakakaabala po sa daloy ng traffic," sabi ni Artes.
Iginiit niyang ang penalty sa mga lumalabag nito ay isang libong piso.
Idinadag pa ni Artes na hindi ito bagong polisiya.
“It’s just that ini-implement lang po natin ngayon dahil marami po tayong reklamo nare-recieve na pag humarang po sila, walang madaanan, at kilometro po ang idinudulot na trapik sa ating ibang motorista.”
Karamihan sa mga riders ay tumitigil sa mga footbridges along EDSA at sa ilalim ng MRT at LRT stations pag umuulan.
what NETIZENS say
Kanya-kanyang reaksiyon ang netizens tungkol sa panuntunang ito., pero mas marami ang sumasang-ayon.
Sinabi ng isa na kailangan ng riders ng disiplina.
Dagdag ng isang netizen, delikado para sa iba ang pagtambay ng mga riders. Obligasyon daw nilang maging handa bago sila umalis ng bahay.

Suhestiyon ng isang rider, mag-commute na lang.

Kung ang katwiran ng riders ay kunsiderasyon para sa kanila dahil umuulan, dapat din nilang ikunsidera ang kaligtasan ng ibang motorista.
“Dun po tayo sa tama at hindi bawal,” sabi ng netizen.

Karamihan sa riders ay sang-ayon sa batas na ito.
May punto raw ang MMDA dahil kung magka-aksidente man ay ang rider na naka-park ang sisisihin.
Sabi ng isa pa, “alam ko yung hirap pag umuulan, PERO dapat responsible tayo sa kaligtasan ng ibang motorista.”


Comment naman ng mga nakikisimpatiya sa mga riders, mag-provide ang MMDA ng silungan para sa riders.
Sinang-ayunan ito ng isang netizen. Maiging maglagay ng motorcycle lane na may bubong para matulungan ang riders sa panahon ng ulan.
Himutok naman ng isang rider “subukan nyo lumagay sa mga riders at vendors lahat nlang parang ayaw nyo na kami pahingahin.”


