Bukod sa Pasko, ang All Saints Day ang isa sa mga pinakamataong okasyon sa Pilipinas.
Panahon ito ng pagtitipun-tipon ng magkakamag-anak para alalahanin ang kanilang mga mahal sa buhay na namayapa na.
Dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao, naglabas ng reminders ang Manila Public Information Office noong Huwebes, October 12, 2023.
Ito ay para masiguro ang kaligtasan ng lahat kapag sila ay dumalaw sa dalawang malalaking lagakan ng mga yumao sa Metro Manila—ang Manila North Cemetery at Manila South Cemetery.
Bilang paghahanda sa Undas at upang mabigyan ang lahat ng sapat na oras na maipagdiwang ito kasama ng kanilang pamilya, idineklarang Non-Working Holiday ang October 31 at November 1, habang Special Working Holiday naman ang November 2.
Narito ang mga ipinagbabawal sa mismong Araw ng mga Patay:
- Anumang uri ng sasakyan
- Nakalalasing na inumin
- Baraha
- Mga bagay na nakakasunog
- Baril o anumang matulis na bagay tulad ng kutsilyo
- Videoke o anumang kauri nito na maglilikha ng malakas na tunog
Read: Israeli official calls slain Pinay caregiver a hero: "She could have escaped."
Kaalinsabay nito ang ilan pang paalala:
- Ang paglilinis at pagpipintura ng mga nitso ay papayagan lamang hanggang October 25.
- Ang paglilibing naman ay maari na lamang pahintulutan hanggang October 28 at makaraan ang undas sa November 3.
- Ang main gates ng parehong sementeryo ay bubuksan sa publiko ng ika-5:00 ng umaga hanggang ika-5:00 ng hapon, simula lamang sa October 30 hanggang November 2.
- Ang mga sasakyan ay papayagan lamang makapasok sa compound ng Manila North Cemetery hanggang October 25; sa Manila South Cemetery naman ay hanggang October 28.
- Ang regular office hours ay magre-resume sa November 3.
UNDAS TRADITIONS
Inaasahan ang pagdagsa ng mga tao sa Manila North at South cemeteries, gayundin sa ibang panig ng bansa.
Ito kasi ang unang pagdiriwang ng Undas matapos ang pagluwag sa mga COVID-19 restrictions na ipinatupad noong kasagsagan ng pandemya.
Nito lamang July 2023, ni-lift na ni President Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pagdedeklara ng state of public health emergency.
Dahil diyan, inaasahan nang babalik ang mga Pilipino sa nakasanayan nilang mga tradisyon tuwing November 1 na ipinagpapatuloy hanggang November 2, All Souls Day.
Read: Netizens slam free yoga inside National Museum: “Bawal umupo tas ngayon nagyoyoga?”
Nariyan ang pagsasama-sama ng mga pamilya na nagsisilbing reunion sa palibot ng puntod ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay.
Ang iba ay umuuwi pa sa kani-kanilang probinsiya.
Karaniwang bahagi rin ng selebrasyon ang pagsasalu-salo, kantahan, at iba pang kasiyahan na nagsisilbing bonding na rin ng lahat.
Bumabaha rin ng mga kandila at bulaklak na siyang nagsisilbing alay sa mga yumao.