Isa na namang COVID-19 variant ang umusbong at nagbabanta.
Noong May 24, 2024, inilabas ng Bureau of Quarantine ng Department of Health (DOH) ang isang memorandum—ang Bureau Memorandum No. 2024-48—ukol sa heightened alert para sa COVID FLiRT variant.
Laman dito na mas pag-igtingin pa ang pagbabantay sa mga point of entry para sa mga pumapasok mula sa mga bansang may COVID FLiRT cases.
Pinayuhan din ang publiko na huwag kalimutan ang basic health measures, tulad ng paghuhugas ng kamay, pagsunod sa coughing etiquette, pag-iwas sa mga matataong lugar, at pakikisalamuha sa mga taong may flu-like symptoms.
Dahil sa balitang ito, ang malaking tanong ng publiko: Ano ang COVID FLiRT variant? Ano ang mga symptoms nito at paano ito maiiwasan?

THE FLiRT VARIANTS
Sa isang Q&A kasama ang Bloomberg School of Public Health, ipinaliwanag ng Molecular Microbiology and Immunology professor na si Dr. Andrew Pekosz ang ilang detalye patungkol sa FLiRT variants.
Aniya, ang FLiRT ang isang terminolohiya na ginagamit upang ilarawan ang isang buong family ng iba’t ibang variants—kabilang ang KP.2, JN.1.7, at iba pang mga variants na nag-uumpisa sa KP o JN—na may pare-parehong set of mutations mula sa JN.1 variant.
Nilinaw rin ng DOH na ang “FLiRT” ay tumutukoy sa amino acid changes sa COVID-19 virus spike protein mula sa phenylalanine (F) papunta sa leucine (L), at arginine (R) papunta sa threonine (T).
Gaya ng mga naunang variants, nakakahawa rin ang FLiRT.
Gayunpaman, sinabi ng DOH na wala pang ebidensiyang makapagpapatunay na maaaring maging sanhi ng severe to critical COVID-19 ang KP.2 variant.
Read: Melar Claire Romero, Muse of Nueva Vizcaya, steals the show
SYMPTOMS & PREVENTION
Hindi naiiba sa mga naunang COVID-19 variants ang FLiRT.
Ilan sa mga symptoms nito ay: lagnat, ubo, sore throat, pananakit ng ulo at mga muscles, hirap sa paghinga, fatigue, pagkawala ng panlasa at pang-amoy, brain fog, congestion or runny nose, at gastrointestinal symptoms.
Ipinapayo ang malimit na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask, at pag-iwas sa matataong lugar.
Read: Air passenger fined PHP360K for roasted-chicken-pork "baon"
IS THE FLiRT ALREADY IN THE PHILIPPINES?
Ang Singapore ay nagtala ng mataas na bilang ng mga COVID-19 cases sa mga nakalipas na linggo.
Pinaniniwalaang sanhi ito ng FLiRT variant.
Sa Pilipinas, naobserbahan ang kaunting pag-angat ng mga numero.
Naitala ang 877 new cases mula May 7 hanggang May 13, na tinatayang papatak sa 125 cases bawat araw.
Bunga nito, sinabi ng DOH na “low risk” ang bansa para sa COVID-19, ulat ng GMA Integrated News.
Sinabi rin ni Health Secretary Teodoro Herbosa na hindi kinakailangang magkaroon ng border control o travel restrictions sa kabila ng maraming kaso sa Singapore.
Maging ang infectious diseases expert na si Dr. Rontgene Solante ay nagsabi na ang FLiRT variants ay may “low public health risk.”
Ngunit ang tanong, nasa Pilipinas na ba ang FLiRT variant?
Wala pang tiyak na sagot ang DOH.
Gayunman, pinaalalahanan ng pamahalaan ang mga ospital, doktor, at clinics na i-report ang lahat ng COVID-19 positive results para makatulong sa Philippine Genome Center sa pagkuha ng sapat na sample materials.
Read: Tail feather sold for PHP1.6M in auction
VACCINES vs. FLirt virus
Isa sa concerns na kailangang bigyang-pansin ay ang effectivity ng mga bakuna na nauna nang natanggap ng mga Pilipino para sa COVID-19.
Ayon kay Solante, ang mga unang bakunang nakuha para sa COVID-19 ay hindi na makapagbibigay ng sapat na proteksiyon para sa mga bagong variants dahil nagmula ang mga ito sa mutations.
Kaya lahat ay vulnerable, lalo na ang mga matatanda at may mahihinang immune system.
Ngunit ipinaliwanag ng DOH na bagamat humina ang effectivity ng mga naunang bakuna, hindi naman totally nawala ito.
Sa ngayon, inaabangan pa ang pagkakaroon ng mga bagong bakuna para sa mga bagong variants, pero hindi pa nakikita ang urgency nito.
Sa ganitong sitwasyon, nanatili ang payo ng DOH sa publiko na sundin muna ang mga standard precautions.