PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Lumad Schools: Isang masalimuot, malungkot na kuwento

"Pribilehiyo ang edukasyon"
Staff Writer KC Cordero Editor-in-chief Jo-Ann Q. Maglipon
Published Jul 13, 2024 | Updated Jul 13, 2024
Photo of Salugpungan Community Learning Center
Sa pagpapasara sa 216 Lumad schools, na gaya nito, sa buong bansa, kabilang ang Salugpungan Community Learning Center sa Talaingod, Davao Del Norte, napagkaitan muli ang mahigit 10,000 estudyante ng pag-aaral. (Photo courtesy of Save Our Schools)

Tinagurian silang "Talaingod 18."

Sa isang checkpoint sa Talaingod, Davao del Norte, taong 2018, inaresto si dating Representative Satur Ocampo ng Bayan Muna at Representative France Castro ng ACT Party-list, isang guro nang 25 taon bago pumasok ng Kongreso.

Noong araw na iyon, November 28, 2018, kasama nilang naaresto si Jesus Madamo, staff sa office ni Representative Castro, at at si Maryro Poquita, miyembro ng ACT Davao.

Arestado rin ang environmental advocate na si Meggie Nolasco, volunteer teacher sa Lumad school. Pati apat na miyembro ng UCCP—o United Church of Christ, isang kapulungan ng Christian at Protestant churches—na sina Reverend Jurie Jaime, Reverend Ryan Magpayo, Pastor Edgar Ugal, at Pastor Eller Ordeza.

Kasama rin sa mga inaresto sa checkpoint si Nerhaya Talledo, isang licensed professional teacher at head ng Basic Education ng Lumad schools; si Maria Concepcion Ibarra, isang Computer Science graduate at Registrar; Maricel Andagkit, BS Agricultural Science graduate at Lumad schools' Davao del Norte coordinator; at Nerfa Awing na mula Sultan Kudarat ay na-assign sa Talaingod.

Ang iba pang educators na arestado ay sina Marianie Aga, nagtapos ng Bachelor of Elementary Education; Jenevive Paraba, galing North Cotabato; Marcial Rendon, galing Kapalong, Davao del Norte; at Wingwing Dausay, 19-year-old graduate ng Salugpungan schools.

Ang isa pang inaresto ay si Ariel Ansan, isang teacher ng Salugpungan. Tatlong taon matapos maaresto, naging witness si Ansan laban sa dalawang Lumad teachers, tatlong estudyante, at dalawa pang guro sa isang 2021 Cebu raid. Dalawang taon pa ang lumipas, noong 2023, tumayong state witness si Ansan laban sa Talaingod 18. Pinalitan a ng kanyang original affidavit at ngayo'y nagsabing ang solidarity mission ng 2018 ay nag-expose sa mga bata sa kapahamakan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓
Protesters rally behind Talaingod 18
Photo: Facebook. Nasa larawan: Bobbie Malay na dumating sa presscon para mag-represent sa asawang si Satur Ocampo, isa sa Talaingod 18.

Sa grupong hinarang sa checkpoint, kasama nina Satur at France ang 14 na menor de edad, na naiulat na mga estudyante ng Salugpungan Learning Center, isang eskuwelahan para sa mga batang Lumad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sinampahan ang grupo ng mga kasong human trafficking at kidnapping, na pawang non-bailable offenses, at ng failure to return a minor.

Samantala, wala namang history ang mga UCCP reverend at pastor, mga guro ng Lumad schools, at si Satur Ocampo ng human trafficking na dawit pa ang mga menor de edad. Si Satur, halimbawa, ay nakulong na ng tatlong beses—sa panahon ng tatlong Presidente, sina Ferdinand Marcos Sr., Corazon Aquino, at Gloria Macapagal-Arroyo—para sa mga sari-saring charges, pero ni minsan ay hindi nadawit sa human trafficking at kidnapping ng minors.

Gayunpaman, iginiit ng mga awtoridad na nabigo ang grupo sa pagpapakita ng written parental consent para sa mga kasamang menor de edad. Ayon din sa mga awtoridad, may reklamo laban sa grupo ang mismong mga magulang at pinuno ng tribo.

Read: PUP now offering online courses for parents

“TALAINGOD 18” AY TUNGKOL SA RESCUE NG MGA ESTUDYANTE

Dahil sa pagkakaaresto sa grupo, nagdaos ng protesta noong November 30, 2018 ang mga militanteng grupong kinabibilangan ng BAYAN, ACT Party-list group, Philippine Public School Teachers Association, Anak Pawis, at iba pang kaalyansa.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Nanawagan naman si ACT Party-list Representative Antonio Tinio ng agarang pagpapalaya sa grupo.

Sa ulat ng ABS-CBN News noon ding November 30, 2018, sinabi ni Tinio na ang mga ikinulong ay church workers at human rights activists.

Walang aniyang anumang batayan ang ipinakakalat ng PNP laban sa mga ito.

"Ang totoo, ang mga tunay na nag-aabuso sa mga Lumad children at teachers nila ay mga military at Alamara, ito yung paramilitary group na hawak ng militar. Ilang linggo na silang pinalilibutan, ang kanilang eskuwelahan.”—Rep. Antonio Tinio

Para naman kay Kris Navales, presidente ng Quezon City Public School Teachers Association, saksi siya sa kagustuhan ni Castro na mapagkalooban ng edukasyon ang mga Lumad.

Kasama raw nila ang mambabatas sa panawagang maitaas ang sahod ng mga guro at mabigyan ng karapatan ang mga Lumad sa edukasyon.

Sabi pa ni Novales, isang solidarity mission ang ipinunta ng grupo sa Talaingod, kaya hindi maintindihan kung bakit inaresto ang mga ito.

Sinabi naman ni Makabayan secretary-general Nat Santiago na siya ang humikayat kina Satur at France na maging bahagi ng misyon. Aniya, bago ang pag-aresto sa grupo ay ikinandado ng Alamara paramilitary group ang Salugpungan Learning Center.

Pagsasalaysay noong Hulyo 10, 2024, ng Karapatan, isang progresibong grupong sumusuporta sa Talaingod 18: "The teachers, students and staff who hail from far-flung areas and live in dormitories provided by the schools had nowhere to go."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Read: School in Pag-asa Island, Palawan shows signs of progress

learning center, nagtuturo ng pagrebelde sa gobyerno?


Sa panayam ng ANC sa noo'y PNP spokesperson, Chief Supt. Benigno Durana, sinabi nitong ang ginawa ng grupo ay isang seryosong paglabag sa batas.

"You cannot bring anybody's children without the authority or consent of the parents."

Ipinaliwanag din niya na ang Salugpungan Learning Center ay ipinasara ng Department of Education sa kahilingan umano ng tribal leaders, isang bagay na mahirap intindihin.

Dagdag ni Durana sa panayam, published as is: "This Salugpungan Learning Center were actually teaching children to rebel against the government, and they've changed our national anthem into something that calls for the overthrow of the government.”

Nauna nang binatikos ng noo'y Pangulo, si Rodrigo Duterte, ang mga Lumad schools dahil sa pagpapakalat daw ng subersibong ideolohiya.

“Iyung mga Lumad, they are operating without the DepEd’s permit. Kasi eskuwelahan sila, but they are teaching subversion, communism,” ayon kay Duterte sa isang news conference matapos ng State of the Nation Address nito noong 2017.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nagbanta rin siyang bobombahin niya ang mga Lumad schools.

Sa pananalita ng dating Presidente Duterte: “Umalis kayo d'yan, sabihin ko sa mga Lumad. Bobombahan ko iyan, isali ko iyang mga istraktura.


“I will use the Philippine Air Force. You are operating illegally, and you are teaching the children to rebel against government.”

Pagmamalaki ni Presidente Duterte: “Kung may kalokohan kayo, eh, di mas lalo na ako.”

Nauna rito, nangako si Duterte na tutulungan ng kanyang administrasyon na magkaroon ng livelihood ang mga Lumad ng Mindanao.

Tila wala namang sumunod na balita sa pangakong ito.

Nagkaroon din ng programang Lumad TV sa PTV, ang telebisyon ng pamahalaan, kung saan itinatampok ang kultura ng Indigenous Peoples.

Hindi rin naman nagtagal sa ere ang programa.

Read: Pasaway na estudyante noon, teacher na ngayon

PAANO NAGSIMULA ANG LUMAD SCHOOLS?

Ang Lumad schools ay nongovernment learning institutions na itinatag ng indigenous communities mismo.

"Ang mga Lumad ang nagtayo ng sarili nilang eskuwelahan. Hindi naman ginawa ito ng gobyerno," sabi ni Kat Dalon, 21, sa press conference ng Talaingod 18 nitong Hulyo 9, 2024, sa Quezon City.

Isa si Kat Dalon, 21, sa mga produkto ng Lumad schools.

Ayon kay Kat, nabuo raw nila ang mga Lumad schools sa tulong ng religious groups sa panahong mataas ang insidente ng illiteracy sa mga Lumad ancestral domain.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kabilang siya sa mga bakwit sa University of the Philippines na inalalayan ng mga support groups at ni UP Chancellor Mike Tan para mag-qualify sa UP program sa Malikhaing Pagsulat.

Graduating na siya ngayong taon.

Liban sa press conference, nakapanayam si Kat ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) noong July 12, 2024.

Photo of Kat Dalon
Isa si Kat Dalon sa mga produkto ng Lumad School. Photo: Kat Dalon

PERSONAL NA KUWENTO NI KAT DALON, ISANG MANOBO

Pagkuwento ni Kat, miyembro siya ng Obo Manobo tribe ng Magpet, North Cotabato, sa Mindanao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Sa Mindanao kasi, common naman ito sa mga IP communities na deprived kami sa mga social services—sa serbisyong pang-edukasyon, sa pangkalusugan," pagbabahagi niya sa PEP.

“Sa community namin, common ito, common sa lahat nang mga komunidad ng mga katutubo na naloloko kami.”

Pagbibigay-halimbawa ni Kat: “Sa community namin, may 100 hectares kami na pagmamay-ari ng buong komunidad—ginawang rancho ng isang pamilya.

“’Tapos ang kapalit nun ay ilang lata ng sardinas, ilang rolyo ng tabako. ‘Tapos ay pinapapirma sila [mga Lumad] sa mga papeles na hindi naman nila naiintindihan—at hindi rin ipinapaliwanag sa kanila.”

Malungkot niyang sambit, “Bunga iyon ng kawalan ng edukasyon sa mga komunidad namin.”

At dahil aniya sa kawalan ng edukasyon, marami sa kanyang mga kapwa Lumad ang namamatay nang hindi na nalalaman kung ano ang naging sakit at kung paano gagamutin.

Malayo rin ang kanilang komunidad sa mga ospital.

Ang pinakamabilis na transportasyon ay sa pamamagitan ng motor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Kahit sa motor sakay, aabutin din ng tatlong oras bago makarating sa ospital. Madalas, patay na yung pasyente bago makarating.

“Yung ibang komunidad, halimbawa sa Davao Del Norte, maraming komunidad ng mga Lumad doon na five days ang nilalakad bago makarating sa ospital.”

Dahil sa kawawang sitwasyong ito, nagsikap ang komunidad nina Kat na magtayo ng Lumad school na aniya ay: “Isang eskuwelahan na aangkop kung ano ang mga pangangailangan ng komunidad.”

Read: College student sends out almost 500 internship applications; gets accepted after four months

PAANO NAitatag ANG LUMAD SCHOOLS?

Bilang sagot, ginawang halimbawa ni Kat ang Mindanao Interfaith Services Foundation Incorporated (MISFI) Academy.

Ang MISFI Academy ang Lumad school sa kanilang komunidad na itinatag noong 1983.

“Isang Italyanong pari, si Father Fausto Tentorio, ang unang tumulong.

“Noong una ay literacy at numeracy pa lang, hindi pa formal education.”

Sinimulan munang turuang magbasa at magbilang ang mga nakatatanda sa kanilang komunidad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nagbigay rin ng tulong ang mga taong simbahan, iba’t ibang institusyon at NGOs.

“Ang UST [University of Santo Tomas], halimbawa, ay nagbigay ng isang classroom sa Lumad school sa Salugpungan.”

Kaya masasabi aniya na ang mga Lumad school ay itinayo sa pagkilos ng buong komunidad.

Pagsuma ni Kat, “At walang tulong mula sa gobyerno.”

Dito binanggit ni Kat ang tinatawag niyang isang irony sa Pilipinas.

“Responsibilidad ng gobyerno na magbigay ng edukasyon sa kanyang mga mamamayan, pero ang nangyayari, kailangan naming magmakaawa sa kanila bago kami bigyan ng edukasyon.

“Dahil sa mahabang panahon ng kawalan ng edukasyon kaya nagsikap ang mga community na magtayo ng mga Lumad schools.”

Read: Senior High School program sa state and local universities and colleges, ititigil na

ANU-ANO ITINUTURO SA LUMAD SCHOOLS?

Dahil binanggit ni dating Pangulong Duterte na itinuturo sa mga Lumad schools ang pagrebelde laban sa gobyerno, inungkat ng PEP kay Kat kung ano ba talaga ang pinag-aaralan doon.

Aniya, noong una, dahil informal pa lang ang setup ay wala pang mga silid-aralan.

Ang mga adult lang muna ang unang tinuturuan magbasa, magsulat, at magbilang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ayon kay Kat, may 216 na Lumad schools sa buong Mindanao.

Nakakalat ito sa Bukidnon, Surigao, Davao Del Sur, Davao Del Norte, Davao Oriental, South Cotabato, North Cotabato, Tagum, at sa isang Moro community.

“Ang kurikulum na itinuturo rito ay ‘Nationalist, Scientific, Mass-Oriented (NSMO).’

“Nationalist o makamasa po kasi libre siya.

“Naka-dorm po kami sa isang campus mula Grade 7 hanggang Grade 12.

“Libre rin po ang toiletries, pagkain, school supplies. Lahat-lahat po, libre.”

Katulad ng regular school, mayroon din silang principal at school director.

Hindi provided ng DepEd ang kanilang mga guro.

“Ang mga nagtuturo po sa amin, graduates from different universities na LET [licensure examination for teachers] passers.

“Nagtatagal naman po sila sa amin dahil may commitment naman sila.”

Kapareho rin aniya ang mga subjects sa regular school na itinuturo sa kanila.

“Mas focus nga lang po sa health and agriculture.”

Bilang mga anak ng magsasaka, itinuturo sa kanila ang importansya ng food security.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Maaga silang gumising para magtanim.

Kapag naman ang mga produkto ng Lumad school ay nakapagtapos na sa kolehiyo, ang oryentasyon sa kanila ay magbalik sa kanilang komunidad upang magturo.

“Kasi hinuhubog kami ng edukasyon para magagap namin yung kalagayan at maintindihan yung lubos na paglilingkod sa mga komunidad.”

Sinabi rin ni Kat na may permit ang mga Lumad schools at accredited ng DepEd.

Read: Teacher in Masbate aiming to give free lunch to students daily for entire year

EPEKTO NG EDUKASYON SA LUMAD COMMUNITIES

May galak na sabi ni Kat na, dahil maraming Lumad ang natuto nang magbasa at magsulat, may magandang epekto ito sa kanilang komunidad.

“Nakakabasa na yung mga magulang namin, nakakaintindi na kami ng English kahit papaano.”

At higit sa lahat aniya: “Hindi na kami naloloko.

“Naiintindihan na namin yung mga batas.

“Naintindihan na namin na kailangan palang ipaliwanag ng isang kumpanya kung anu-ano ang advantages at disadvantages ng proyekto nila sa aming komunidad.

“Naiintindihan na namin na ang nilalaman ng kanilang mga papeles ay kaunlaran—pero nakamamatay para sa amin—kaya hindi ito kaunlaran.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ipinaliwanag ni Kat kung ano ang kanilang konsepto ng kaunlaran sa kanilang komunidad.

Simple ito, ayon kay Kat: “May food security, may kaayusan, walang militarisasyon, walang pambobomba.”

Ang isa pa aniyang magandang naidulot ng kanilang edukasyon sa komunidad: “Hindi na nakakapasok ang mga multinational companies gaya ng mining, logging concessions.”

Read: 18 parents, edad 25 to 58, nagtapos ng kinder sa Davao Occidental

LUMAD SCHOOLS PILIT IPINASASARA

Sa kabila ng mga positibong epekto ng Lumad schools, ipinasasara ang mga ito ng gobyerno.

Ani Kat, nagsimula ito noong panahon ni dating Pangulo Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.

“Nakalimutan ko na kung ilan, pero kokonti lang ang ipinasasara.

“’Tapos nung Duterte administration, mas lumobo yung bilang ng pang-aatake. Sinabi po niya sa SONA na bobombahin niya ang mga eskuwelahan at mga community namin.”

Sambit pa ni Kat, “Hindi po yun biro. Binomba niya talaga yung mga schools. May datos po yung Save Our Schools Network.”

Nang matanong kung bakit binomba ang mga ito ni Duterte, aniya, “Marami silang [gobyerno] ipinapakalat na fake news na sa loob daw ng campus may training ground [ng mga rebelde].”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Narinig din niya noon sa balita sa radyo na isa rito ang kanyang Lumad school.

Pero ayon kay Kat, mismong isang kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kumausap sa mga estudyanteng bakwit ang nagsabing walang training ground ng mga rebelde.

Read: PUP at UP graduates, prayoridad i-hire ng mga kumpanya

10,000 ESTUDYANTE ANG APEKTADO

Sa ngayon ay sarado na ang lahat ng 216 Lumad schools. Ipinasara ang mga ito ng Duterte administration noong 2021.

Pag-alala ni Kat, “Batay po sa datos ng Save Our Schools Network, nasa 10,000 kabataang estudyanteng Lumad ang naapektuhan ng pagsasara.”

Nang kumustahin ng PEP ang mga estudyanteng naapektuhan, ani Kat ay hindi na nakapagpatuloy ang mga ito ng pag-aaral.

“Kasi po pag estudyante ka ng Lumad school, automatic po iyon na NPA ka—kahit pa minor.

Marami po akong mga pinsan na nag-aral sa Lumad school dati, 'tapos hina-hunting sila ng mga military kasi ipapalinis daw ang mga pangalan. At mga minors sila.”

Tanong ng PEP, bakit “ipapalinis”?

Aniya, “Kailangan daw pong pumunta sa detachment, sa kampo ng mga militar. Ganun po ang ginagawa nila, gusto kaming papuntahin.”

Inusisa ng PEP kung ano ang nangyayari kapag pinapunta ang isang Lumad student sa detachment.

Ayon kay Kat, “Hindi po pumupunta yung mga kasama namin.”

Pero aniya, kahalintulad iyon ng proseso ng pagkuha ng police clearance para patunayan na walang nilabag na batas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

At dahil hindi na nakapag-aaral, nag-iba na rin ang takbo ng buhay ng mga estudyante.

“Marami akong classmates na nagsipag-asawa na dahil wala nang kakayahang mag-aral. Ang mahal-mahal mag-aral sa ibang school.”

Ang iba naman ay napilitan nang maghanapbuhay.

“Naging uso po yung maging kasambahay sa lungsod. Maging tindera sa palengke... magkargador.”

Read: Janitress finishes kindergarten at 42: "Pambata po yung ginagawa. Nakiki-join po ako."

PANG-AAGAW NG LUPA, UGAT NG PAGPAPASARA SA LUMAD SCHOOLS?

Sa pagsasara ng mga Lumad schools, malinaw kay Kat ang ugat.

“Relasyon po kasi siya talaga sa lupa, eh. Pang-aagaw ng lupa.”

Ito rin aniya ang dahilan kung bakit maraming masaker na nagaganap sa komunidad ng mga Lumad.

Diretsahan natin siyang tinanong kung bakit iniuugnay ang mga Lumad sa mga NPA.

Aniya, “Kasi nasa bundok po kami, eh. Nakatira kami sa bundok.

“Yung culture po namin, ng mga katutubo at common ito sa mga katutubo, kapag may bisitang darating, papakainin, papainumin, pagpapahingahin kung kinakailangan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“So, yung mga NPA, pag dumarating sila sa mga tahanan namin, pinapakain namin kasi mga tao rin sila.

“Umaalis din sila kaagad dahil alam nilang bawal silang magtagal sa community.

“Yung mga sundalo, ganun din naman ang ginagawa namin—pinapakain, pinapainom ng tubig, pinagpapahinga.

“Pero yung ginagawa nG MGA SUNDALO, nagtatagal sila sa mga community. Mahigit 56 campuses ng Lumad schools ang kinampuhan ng mga military.”

Read: “Smiling lessons” inio-offer para sa mga nakalimutan na ang pagngiti dahil sa facemask

PAnawagang buksang muli ang lumad schools

Nanawagan si dating Bayan Muna Party-list Representative Eufemia Cullamat sa bagong Education Secretary Sonny Angara na payagan ang muling pagbubukas ng Lumad schools.

Mayroong literacy crisis sa Mindananao, apela ni Cullamat kay Angara, at matutugunan daw ito ng pagbubukas ng mga iskuwelahang dati'y nakatayo na.

Photo of DepEd Secretary Sonny Angara
Art card para kay DepEd Secretary Sonny Angara nang mahirang siyang kalihim ng kagawaran. Photo: DepEd Facebook
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ani pa ni Representative Cullamat, ang mga rehiyon sa Mindanao ang may pinakamababang functional literacy rate.

Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nakapagtala ng pinakamababang functional literacy, na nasa 71.6 percent, habang 78.7 percent naman ang basic literacy rate nito.

Paliwanag ni Cullamat: “These statistics are alarming and require immediate attention.

“The right to education is fundamental, and these figures indicate a systemic failure in providing quality education to our Mindanawon youth, especially in indigenous and Muslim communities.”

Makatutulong aniya ang Lumad schools para maresolba ang pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa Mindanao.

PRIBILEHIYO ANG EDUKASYON

Nang mag-aral si Kat sa National Capital Region ay nagulat siya na walang mga militar sa mga eskuwelahan.

Obserbasyon niya: “Payapang nag-aaral ang mga estudyante.

“Kasi nasanay kami sa presensya ng militar. Normal na may giyera, normal na may harassment.

“Dito, walang militarisasyon sa loob ng eskuwelahan. Ibang-iba talaga.”

Sa pagpasok pa lang niya sa isang paaralan sa National Capital Region ay may naramdaman na raw si Kat na guilt.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Nang ipasara ang mga Lumad schools sa Mindanao, tatlo kaming nag-aaral sa UP noon.

“Grabe yung nararamdaman naming guilt dahil ramdam na ramdam namin ang pribilehiyo ng edukasyon,” ani Kat.


Hindi na raw kasi mararanasan ng mahigit na 10,000 students mula sa 216 na ipinasarang Lumad schools ang naranasan nilang tatlo na makapagkolehiyo pa.

“Karapatan din naman ito ng 10,000 estudyanteng kasama namin.”

Pagtatapat pa ni Kat: “Ako yung pinakaunang magtatapos [college graduate] sa henerasyon ng pamilya ko.

“Sa community namin, lima lang kaming nakapagtapos.”

Himutok niya, “Twenty-twenty-four na, pero gayun pa rin ang kalagayan sa mga community namin.”

JULY 15, 2024 ANG PROMULGATION NG KASO NG talaingod 18


Sa July 15, 2024, na ang promulgation sa mga kasong isinampa laban sa grupo nina Satur, na mas kilala bilang Ka Satur, at Representative France Castro, o ang tinaguriang Talaingod 18.

Ipinaglalaban nila na pagsaklolo sa mga estudyanteng Lumad ang ginawa nila noong 2018.

Malalaman na makalipas ng anim na taon kung guilty ang Talaingod 18 o ipawawalang bisa ng korte ang mga kaso.

Ang promulgation ay gagawin sa Regional Trial Court Branch 2 ng Tagum City, Davao.

Noong July 10, nagdaos ang mga progresibong grupo ng press conference sa JT's Manukan Grille, Kalayaan Avenue, Quezon City, upang managawang i-dismiss ang anila'y “trumped-up cases” laban sa Talaingod 18.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sa update ni Bayan Party-list Representative Karlos Zarate, isang three-termer sa Lower House: "Napawalang-bisa na ang human trafficking at kidnapping charges, pero buhay pa rin ang 'other forms of child abuse' charges."

Samantala, habang hinihintay ang judgment ng court, hindi napag-uusapan ng kasalukuyang gobyerno ang kahihinatnan ng Lumad schools at ang naudlot na edukasyon ng 10,000 na estudyante.

Nakalulungkot, dagdag ni Kat, na sa masalimuot na kuwento ng Lumad Schools, bukod sa pinagsasara ay winasak pa ang mga ito, habang ang ilan ay sinunog nang tuluyan.

Gayong, pagbalik-tanaw ni Kat, hindi man lang nakapag-ambag ang gobyerno ng kahit isang kalawanging pako sa pagpapatayo ng mga paaralan nila.

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Sa pagpapasara sa 216 Lumad schools, na gaya nito, sa buong bansa, kabilang ang Salugpungan Community Learning Center sa Talaingod, Davao Del Norte, napagkaitan muli ang mahigit 10,000 estudyante ng pag-aaral. (Photo courtesy of Save Our Schools)
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results