Inihayag ng Philippine National Police ngayong April 30, 2025 ang pagkakaloob ng PHP5 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para maaresto si Wenli Gong, alias Kelly Tan Lim.
Si Wenli—na tinawag na "Alias Kelly" sa PNP briefing—ang Chinese woman na iniuugnay sa pagkidnap at pagpatay sa Filipino-Chinese steel magnate na si Anson Que at ang driver nitong si Armanie Pabillo.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesperson Brigadier General Jean Fajardo na itinuro si Wenli ng dalawang Filipino suspects na sina Raymart Catequista at Richardo Garcia.

Ayon sa dalawa, si Alias Kelly ang nakipagnegosasyon sa pamilya ni Anson para sa ransom money gamit ang smartphone ng biktima.
Nawala si Anson at ang kanyang driver noong March 29, 2025, matapos silang umalis sa opisina sa Valenzuela City.
Kinabukasan, nakatanggap ang pamilya nito ng tawag sa telepono na humihingi ng US$20 million ransom.
Natagpuan ang mga bangkay ng dalawang biktima sa gilid ng isang daan sa Rodriguez, Rizal, noong April 9.
Read: Boy kidnapped in 1951 reunites with family after 70 years
CHINESE WOMAN USED AS BAIT TO LURE ANSON QUE
Ang dalawang Filipino suspects ay naaresto noong April 18 at umamin sa pagpatay kay Anson at sa driver nito.
Sumuko naman noong April 19 ang Chinese national na si David Tan Liao at inamin din ang partisipasyon sa krimen.
Ibinahagi ng PNP spokesperson na si Alias Kelly rin ang ginamit ng grupo para mapapunta si Anson at ang driver nito sa lugar kung saan sila kinidnap.
Ani Fajardo: “After conducting operational research, we identified this is Alias Kelly.
“And this is precisely the reason kung bakit may nag-offer ng reward for her immediate identification and possible location para malagay natin siya sa custody, so that we could extract more information that can shed light on this particular case.”
Ayon pa kay Fajardo, kasalukuyang nangangalap ang PNP ng impormasyon para maberipika naman ang alegasyon ni Liao na sangkot ang 42-anyos na anak ni Anson, na si Ronxian Gou, sa pagpatay sa ama nito.
Paglilinaw ng PNP spokesperson tungkol sa sinabi ni Liao: “Maliban doon sa kanyang assertion, wala naman siyang naipapakita pa na ibang ebidensya.
“We cannot discount the possibility that David Tan Liao is misleading the investigation to cover for someone."
Read: Man who went missing for 28 years found in neighbor’s house
ANSON QUE’S SON COORDINATES WITH AUTHORITIES
Nakikipag-ugnayan naman si Alvin Que sa Anti-Kidnapping Group, at isinumite ang cellphone nito para isailalim sa forensic and scientific processing, ayon kay Fajardo.
Ang inisyal na imbestigasyon ay nagpapakitang si Alvin ang naging negotiator ng pamilya habang nasa kamay pa ng kidnappers si Anson.
Siya rin ang nag-transfer ng inisyal na PHP10-million ransom sa isang cryptocurrency account noong March 31, 2025, at panibagong PHP3 million noong April 2, 2025.
Sinabi ni Fajardo na kasalukuyang tine-trace ng PNP ang money trail, kabilang ang diumano’y PHP200-million ransom, para matukoy ang mga maaaring sangkot pa sa kaso.
Read: Woman kidnaps 11-year-old girl to be her son’s future wife
