May mga lanes nang inilaan para sa mga estudyante ang MRT-3 at LRT-2 kasunod ng panawagan ng publiko.
Layon ng hakbang na ito na maiwasan ang pag-build up ng mahabang pila sa mga train stations dahil sa mga estudyanteng nais mag-avail ng 50% fare discount.
Kamakailan lamang, inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) na itinaas sa 50% ang discount sa pamasahe ng mga estudyanteng sumasakay sa MRT-2, LRT-2, at LRT-1.
Bagama’t maganda ang balita ito, maraming estudyante ang nag-react sa ubos-oras na proseso para ma-avail ang discount.
Una, kailangan mag-present ng ID sa ticket counters, mag-fill out ng form, at pumirma.
Dagdag pa rito, maaari lamang i-avail ang discount sa single-journey tickets, kaya’t kada biyahe ng estudyante, kailangan niyang pumila para bumili ng ticket.
Puna ng marami, abala ito sa mga nagmamadaling pumasok sa school.

Read: Netizens react to students' 50% off fares on MRT-3, LRT-1, LRT-2
DOTr ON STUDENT LANES
Ang announcement para sa student lanes ay idinaan ng DOTr via social media.
Bahagi ng Facebook post ng ahensiya ngayong Biyernes ng umaga, July 4, 2025:
“Rail lines MRT-3 and LRT-2 have placed dedicated student lanes in each station to allow seamless movement of students availing of 50% fare discounts.”
Dagdag ni DOTr Secretary Vince Dizon: “Dapat hindi rin natin pahirapan ang pag-verify ng student discounts para walang pila at mabilis ang daloy ng mga student passengers para hindi sila ma-late sa kanilang eskwelahan."
Batay naman sa mga reaksiyon ng netizens ukol sa student lanes, marami ang natuwa sa bagong development na ito.
Gayunpaman, marami pa ring umaapela na sana ang discount ay i-apply rin sa stored-value tickets o Beep cards, na hangga't may load ay hindi kinailangang pumila ang estudyante sa tuwing sasakay sa MRT-3, LRT-2, at LRT-1.
Available ito sa ngayon para sa mga regular passengers.
Sa mga nagtatanong kung may ganitong ipatutupad na sistema sa LRT-1, may dagdag na pahayag ang DOTr.
Anito, “The Light Rail Manila Corp. (LRMC), which operates the LRT-1 line, meanwhile, will implement queuing systems to manage passenger flow and minimize delays for students availing discounts.”
Matatandaang June 20, 2025, inanunsiyo ng DOTr na mula 20% ay itataas sa 50% ang fare discount para sa mga estudyante.
Bahagi ng post ng ahensiya: “Ang 50% student discount ay applicable rin sa mga estudyanteng naka-enroll sa postgraduate studies at magagamit sa train lines araw-araw, kahit Sabado, Linggo o holiday.”
Read: MRT and LRT trains offer free rides for 3 companions of paying passenger
