Ikinababahala ngayon ang mataas na bilang ng mga tinamaan ng influenza o trangkaso sa iba't ibang lugar sa bansa.
Dito lamang sa Metro Manila, nagkaroon ng 42 percent increase sa cases sa unang dalawang linggo ng Oktubre 2025, ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID).
Ang datos ay mula sa flu surveillance data mula sa ilang malalaking ospital sa Metro Manila.
Pero nagkaroon din ng maraming kaso sa provinces.
Sa katunayan, ang Quezon Province at Camarines Norte ay nagmandato ng pagsusuot ng face mask dahil mataas na kaso ng flu.
Ang tanong: Kailangan na rin bang imandato ang pagsusuot ng face masks sa Metro Manila?
DEPARTMENT OF HEALTH EXPLAINS
Ano ang masasabi ng Department of Health (DOH)?
“Hindi pa po,” sagot ni Assistant Secretary Albert Domingo, DOH spokesperson, sa DZMM Teleradyo interview ngayong October 21, 2025.
“Ang ating tinitingnan kasi kapag tayo ay nag-iisip ng mandato, kasama ang bilang ng mga nao-ospital nang malala.”
Konsiderasyon daw ang bilang ng mga dinadala sa intensive care units.
Paglilinaw ni Domingo, wala pa raw sa ganitong sitwasyon ang mga ospital.
Dagdag pa ng DOH official, talagang panahon ng influenza.
Read: Financial expert explains why MP2 savings program is reliable
ON MANDATING WEARING FACEMASK
Iginiit ni Domingo na hindi pa kailangang gawing mandatory o obligatory ang pagsusuot ng face mask.
Pero dagdag niya: “Ang pinaalala natin lagi, wala namang mawawala kung kusang magsuot ng face mask nang tamang paraan, at mapoprotektahan pa natin ang ating mga mahal sa buhay.”
Sa madaling sabi, malaya ang sinuman kung nais nilang magsuot ng face mask o hindi.
“So kahit walang mandato, kung gusto nating protektahan ang ating sarili at ang ating mga kasama sa bahay, maganda po, lalo na yung matatanda at mga bata, maganda po kung gumamit tayo ng face mask, lalo na kung may sintomas tayo.”
Sa kabilang banda, ang mandatory raw na pagsusuot ng face mask ay sa mga ospital.
Noon pa man daw ay ipinag-uutos na ito—whether public o pribado ang ospital.
“Nire-require ng mga ospital, kahit sa mga bisita, na magsuot ng face mask dahil nasa loob ng ospital. Marami talagang may sakit doon kaya kailangan nag-iingat tayo.
Nagbahagi ng datos si Domingo kaugnay ng kaso ng influenza sa Metro Manila.
Ang mga datos ay galing daw sa may 5,000 disease reporting units sa bansa.
Mula raw September 14 hanggang September 27, may naitalang 10,740 cases. Pero bumaba raw ito ng 39 percent mula September 28 hanggang October 11, kung kelan nagkaroon 6,457 cases.
Kauganay ng datos na ito, sabi ni Domingo: “Sinasabi namin dito wala pong dahilan para magsabi na may outbreak, dahil ang datos na nagpapakita po niyan.
“Pero ayaw naman po natin na kampante tayo kasi alam natin na panahon ito ng trangkaso, maaari pang tumaas iyan kung di tayo mag-iingat.”
