Inanunsiyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na simula sa April 1, 2026, magiging pangunahing identification o ID ang National ID para sa payout ng beneficiaries ng Social Pension for Indigent Senior Citizens.
Ang National ID ay tinatawag ding Philippine Identification System (PhilSys).
Ginawa ng DSWD ang announcement sa pamamagitan ng isang Facebook post nitong March 11, 2026.
“Ang mga benepisyaryong wala pang National ID ay hinihikayat na magparehistro sa pinakamalapit na tanggapan ng Philippine Statistics Authority (PSA),” saad ng post.
“Magkakaroon din ng PhilSys registration tuwing payout para mapadali ang pagpaparehistro ng ating mga senior citizens.”
Sa comments section ng naturang post, mababasa na ang pangunahing concern ng netizens ay ang mabagal na release ng National IDs.
Pero sa abiso ng DSWD, kung wala pang National ID ay kahit anong government-issued ID muna ang gagamitin basta naka-indicate rito ang birthdate ng beneficiary.
Para makakuha ng National ID, magtungo at mag-register sa pinakamalapit na PSA office.
Ang mga beneficiaries na bedridden ay pupuntahan daw mismo ng PSA.
Included sa post ng DSWD ang contact numbers para sa mga katanungan o reklamo:
- GLOBE: 09171105686 at 09178272543
- SMART: 09199116200
Maaari ring mag-message sa Integrated Grievance Redress Management System (IGRMS) ng DSWD sa https://i-grs.dswd.gov.ph at kailangan lamang sagutan ang form.

Read: How to get free birth or marriage certificate for women
WHO ARE QUALIFIED FOR SOCIAL PENSION OF DSWD?
Sinu-sino ang beneficiaries? Magkano ang matatanggap na financial assistance? Paano ito makukuha?
Ang qualified sa Social Pension for Indigent Senior Citizens Program ay mga nasa edad 60-anyos pataas at masasabing indigent base sa mga sumusunod:
- walang regular na kita;
- walang pinagkukunan ng kabuhayan;
- walang tulong pinansiyal at suporta mula sa mga pamilya o kamag-anak;
- walang nakukuhang pension mula sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), o anumang uri ng pension mula sa anumang ahensya;
- mahina, sakitin, at may karamdaman.
Isang libong piso (PHP1,000) kada buwan ang nakalaang budget para sa beneficiaries.
Makakakuha ang PHP3,000 quarterly o kada tatlong buwan.
HOW TO APPLY
Kung pasok sa requirements, magsadya lamang sa munisipyo o local government unit (LGU) at hanapin ang Office of the Senior Citizens Affairs o OSCA. Dito itatanong kung paano maging beneficiary ng programa.
Kapag qualified na maging beneficiary, magmumula sa LGU o barangay ang announcement tungkol sa schedule ng payout.
Kailangang i-present ang National ID o kung wala pa ay anumang government-issued IDs.
Inisa-isa rin ng DSWD ang mga kondisyon para matanggal sa pagiging beneficiary. Ito ay ang mga sumusunod:
- namatay na;
- tumatanggap ng ibang pension;
- nagkaroon ng regular na kita;
- appointed o elected barangay official;
- dalawang beses na magkasunod na hindi kinuha ang kanyang social pension;
- gumagamit ng pekeng dokumento o pandaraya sa pagkuha ng pension
Para sa audio-visual presentation ng buong detalye, panoorin ito: https://www.facebook.com/share/v/14YUkUzGcXk/
