Kinumpirma ng Quezon City government nitong July 7, 2026, na umakyat ang bilang ng COVID-19 cases sa nakalipas na tatlong linggo.
Batay sa datos na nakolekta ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (CESD) sa mga ospital at health centers, may 107 COVID-19 cases na naitala mula May 21 hanggang July 1.
Dagdag pa rito, mayroong 146 confirmed COVID-19 cases na naitala sa pamamagitan ng proactive surveillance system ng siyudad.
Iniulat din ng CESD na mayroong COVID-19 cases sa karatig siyudad sa nabanggit na period.
Karamihan sa mga pasyente ay nakaranas ng influenza-like o mala-trangkasong sintomas, gaya ng lagnat, ubo, at sipon.
Matapos magpatingin sa doctor, nagpositibo sila.
Ang tanong: kailangan na bang maalarma ang mga taga-Quezon City?
Ano ang dapat gawin para mapangalagaan ang sarili?
Read: The Jefferson Quartero Story: Mangyan scholar who defied all odds
INFECTIOUS DISEASE DOCTOR SPEAKS UP
Ayon sa ulat ng QC LGU, patuloy na tinututukan ang sitwasyon.
Tiniyak naman ni QC Mayor Joy Belmonte na hindi raw dapat mabahala sa increased number of cases.
“We assure the public that the city government is closely monitoring these developments.
“While there has been an increase in cases, they still represent a very small percentage of our total population.
“We are not seeing any clustering of cases, and all reported infections have been mild and isolated.”
Nagsalita rin ukol sa isyu ang kilalang infectious disease specialist na si Dr. Rontgene Solante.
“Hindi na tayo masu-surprise kung may COVID cases pa rin tayo, ano, because even after the pandemic, meron naman talagang mangilan-ngilan na mga kaso,” ani Dr. Solante sa interview ng DZMM Teleradyo nitong Martes, July 7.
“But this is not something to worry because most of the COVID now, yung variant na ngayon are not causing severe infections,” paniniyak ng espesyalista.
“Most of the time, parang influenza na lang ito, ano, yung upper respiratory tract manifestation. And then after two to three days or four days, nawawala na rin.”
PROTECTION VS. COVID-19
Si Dr. Solante ay chairman ng Department of Adult Infectious Disease and Tropical Medicine sa San Lazaro Hospital at dating presidente ng Philippine College of Physicians.
Iginiit niyang hindi dapat maalarma ang publiko.
Paliwanag pa ng infectious disease specialist: “It just so happened siguro yung Quezon City medyo masipag sa surveillance, kaya na-document nila ang mga kaso na iyon.
“But this is something we would always expect every year, especially pag dumarating na itong seasonal influenza, which usually starts July, August, September, October hanggang December iyan.
“Tumataas ang mga kaso na merong influenza, like yung ubo, sipon, lagnat.”
Hindi na rin daw kasing-strict ang testing, tulad noong pandemic days.
“Ang ginagawa natin ngayon, yung mga nagpunta lang sa mga ospital, halimbawa, mayroong nag-present ng respiratory tract like nahirapang huminga, sinasama na natin iyan sa testing ng COVID, kagaya ng ibang viral infection, para lang matukoy natin kung anong klaseng mikrobyo meron ang isang pasyente.
“But in the community, pag may ganyang mga kaso, mild or moderate, hindi na natin tine-test iyan regularly.
“Ibig kong sabihin, yung test capability natin, the manner, the way we did, hindi ganun kadalas kumpara nung pandemic time.”
Ang binigyang-diin ni Dr. Solante, mas ingatan o i-prioritize ang vulnerable population. Sila ang mga may edad at may comorbidities.
“Kahit mild ay maaaring maging severe ang infection,” paalala niya.
Inirerekomenda niya ang pagsusuot ng face mask kapag lumalabas ng bahay.
Dagdag niya: “Mas importante pa rin na hindi madala sa bahay [ang virus].”
Iginiit din niya ang importansiya ng malakas na immune system, sapat na tulog, at tamang nutrisyon.
Pinaalalahanan niya ang mga may comorbidities na regular na inumin ang kanilang maintenance medication.
Ang bilin naman ng QC LGU, maging observant pagdating sa basic health protocols upang hindi makahawa.
Kabilang sa mga pag-iingat na ito ay ang proper cough etiquette, pagsusuot ng face mask kapag nakaramdam ng mga sintomas, regular na paghuhugas ng kamay, at pananatili sa bahay kapag may sakit.
Read: Mpox case in Mandaluyong confirmed--should we be worried?
