Ang national ID o Philippine Identification System (PhilSys) ID na ini-issue ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay isang valid ID o Identity Document na dapat i-honor sa anumang government o private transactions.
At sinuman ang lalabag dito ay maaaring pagmultahin ng hanggang PHP500,000, ayon kay Akbayan Partylist Representative Chel Diokno.
Bukod pa rito, madi-disqualify rin ang government employee na makapagtrabaho pa sa anumang ahensiya ng gobyerno.
Kamakailan lamang, naging topic ito ni Atty. Diokno sa kanyang social media accounts.
“National ID na nga, hihingan ka pa ng ibang ID?” ang bungad na caption ng abogado.
“Paalala: Sa ilalim ng PhilSys Act (R.A. 11055) at Executive Order No. 162, opisyal at sapat na patunay ang National ID sa anumang transaksiyon sa gobyerno man o sa bangko at pribadong kompanya.
“Ang sinumang tumanggi rito nang walang valid na dahilan ay puwedeng magmulta ng hanggang PHP500,000.”
Read: National ID, may 3 formats: printed, downloadable, at mobile

LAW ON NATIONAL ID
Mas tinalakay ni Atty. Chel ang paksang ito sa ginawa niyang short video noong 2024.
Binanggit niya na ang pagkilala sa national ID ay naisabatas sa pamamagitan ng Philippine Identification System Act o ang Republic Act 11055.
Malinaw na nakasaad dito ang penalty na kalahating milyong piso sa sinumang tumangging tanggapin o kilalanin ang national ID bilang valid ID.
Hayag ng abogado, “Paalala na dapat tanggapin na valid ID ang PhilSys ID pati na rin ang printed ePhilID, “in all government agencies, LGUs…and private sectors.”
Ang ePhilID ay ang “official, paper-based version of the Philippine National ID for registered individuals awaiting their physical card.”
Kasama rin dito ang digital format ng national ID.
Sa pagpapatuloy ni Atty. Chel, “Sabi ng PSA, if authentication at verification ang concern, may QR code na puwedeng gamitin.”
Kapag may reklamo, maaaring dumulog sa mga susunod:
- Facebook page ng PSA Philippine Identification System;
- Hotline 1399;
- Email sa info@philsys.gov.ph
Naglabas ang public advisory ang PSA ukol dito noong September 30, 2022.
Read: EO No. 162, nag-uutos na kilalanin ang natl ID sa govt, private transactions
