Hello po.
Welcome ulit to Labandera Chronicles. A well-meaning friend advises dapat daw palagi akong naglalaba, para pirmi rin akong may sasabunin—kahit pa ganitong maulan.
Huwag na raw isulat ang tungkol sa mga Lino Brocka at Armida Siguion-Reyna ng mundo sapagkat iba na ang panahon. Sabihin pa raw na may mangilan-ngilan pa ring nagpapasalamat sa mga naiambag nila sa industriya ng pelikulang Pilipino at telebisyon, ang masaklap na katotohanan daw ay ito: They don't matter anymore. Hardly.
What matters most? Controversy.
Who matters most? The controversial.
"Girl, di ba, Girl Scout ka no’ng araw?" Tanong ng kaibigan kong mas bata sa akin. "Di ba, motto niyo, 'Laging Handa?' Balik ka sa gano'ng mode! Laging Handa. Handang sumawsaw sa kahit ano, anytime, kung ayaw mong magmistulang luma hindi lang ang isinusulat mo, kundi ikaw mismo. Gusto mo iyon?"
Hindi ako kumibo. Ratsada pa rin siya. "'Teh, tumingin ka sa paligid. Basa pa, more. Lahat, sumasawsaw. Lahat, nakasawsaw. Naka-move on na sila kay 'Mamatay na kayong lahat!' pero tutok pa rin sa tatlo."
"Sinong tatlo?" Medyo imbiyerna na ang tono ko.
"Girl, talagang di mo alam?" Gigil na siya. "O nagpapanggap ka lang?"
Natawa ako. Sa tawa ko, nakalimutan kong inis ako. Tumingin na sa paligid, at oo, nagbasa pa more. At saka ko namalayang pati pala Supreme Court Justice Marvic Leonen ay nag-comment na noong isang araw: "Dear Bea and Julia, is he really worth it? #JustAsking."
Na mabilis na sinakyan ni Congressman Ruffy Biazon sa kanyang Twitter account: "You know it has become a national issue when a justice of the SC asks a clarificatory question. Now I'm contemplating to file an inquiry in aid of legislation."
Meron din si Senator Nancy Binay, through a (cute, I must admit) meme, with her standard "be nice" smiley and an animated sketch of herself: "Gurls, he's not worth it. #KalmaLangGirls #MoveOn."
At si Senator Risa Hontiveros, sa kanya ring twitter account: "One thing I teach my kids is to be fair & just, even in relationships. Ghosting is immature and cowardly. Talk, & if needed, end things properly. To all who've been ghosted before, your worth isn't defined by it. Have courage and be strong; grow."
Gayundin si COMELEC Commissioner Rowena Guanzon, sa isang interview: "I don't know all the facts, but if there are two women involved and one man, it's always the guy's fault."
Samantalang dedma—kuno—ang Malacañang spokesman, na ang sagot sa isang text message hinggil dito ay "inessential and unimportant," raw ito, na agad namang binara ng militanteng si Zena Bernardo Bernardo sa Facebook: "Saying alleged rape "is NOT A NATIONAL ISSUE... therefore will not comment" is comment—and a position that trivializes rape.”
Isama na rito ang lahat ng kesyu-kesyo, gaya nang kesyo di si Julia ang sumulat no'ng inihayag niyang huli, kundi ghost-writer, meron pang huling bumulaga sa akin kahapon: Hindi raw tutoo ang controversy na ito kundi gawa-gawa lang daw para matakpan ang iba pang national issues.
At dito na ako natigilan.
Mas marami ang nagsalita tungkol dito kaysa sa mga controversial issues din ni Ronald Cardema, ang representative ng Duterte partylist, at COMELEC; sa rape issue na diumano'y naganap sa isang establisadong writing workshop; sa lalo pang sumamang trapik sa EDSA.
Balik ako sa kaibigan ko, na no'ng makita ang kalungkutan ko, eto ang say:
"Mama Labandera, tanggapin mo na lang kasi. Si Bea Alonzo ay hindi patis. Si Gerald Anderson ay hindi suka. Si Julia Barretto ay hindi toyo.
"Pero sila ang Pambansang Sawsawan." ###