Hello po. Welcome ulit to Labandera Chronicles.
Isang kindat, at papasok na ang bagong buwan. Dahil September hanggang December ang pagdiriwang natin ng Pasko, tutuon na ang lahat kay Jose Mari Chan; ngayon pa nga lang, puwede nang magbilang ng mga JMC memes sa FaceBook.
Samantala, heto kaming matatandang sa pamamaalam ng papatapos na Agosto ay pilit pa ring naglalagay-kahulugan dito bilang “Buwan ng Wika.” Dumating at patapos na ang buwan nang walang kaabug-abog, banggitin man nang madalas ay dahil lang sa nakapaloob dito ang "ghost month," na sa taong ito ay Aug 1-Aug 29.
“Care ko!” is most probably the first thought that hit you. You just can’t be bothered.
Indeed. Very few care, and that’s what pushed this near-geriatric to post stuff on her FaceBook wall, for almost all of the month about to close. Here’s a sampler:
Re the push to have the ancient Indic script “Baybayin” taught in our schools, for students to learn how to use the indigenous language: “Hindi nga makapag-spelling nang tama sa ABAKADA, aasahan mo pa sa BAYBAYIN? Asa "kapa." Huwag "nalang." Kapal ng "muka."
Kasi iyan na ang spelling ngayon. One word na ang “ka” at “pa,” so imbes na “Saan ka pa pupunta galing dito?” naging “Saan kapa pupunta galing dito?”
Lalo naman ang “nalang,” na talagang dalawang salita, “na” at “lang,” tapos naging “nalang” basta. Na, minsan kong tanungin ang isang millennial hinggil dito, ang sagot:
"I know 'na' and 'lang' are two separate words. But to put it down correctly will make me look old. So I use 'nalang.'"
Heto pa: “Ang ‘naks’ ay pa-cute na abbreviation ng ‘naku.’ Binago na rin, ginawang ... ‘nux.’ Kaya mo, sa ngalan ng ‘language is evolving?’" (Maisingit ko lang, nangilo ang Batangueñong kolumnistang Nestor Cuartero rito sa “nux,” hindi raw niya kayang gamitin ito sa kanyang panulat.)
"Language is evolving" nga raw, sabi ng mga kaibigang maituturing na mga pantas sa wika, tulad ng mga gurong sina Rica Nepomuceno, Jun de Leon, Marne Kilates, at marami pang iba na nag-ambag ng kanilang mga kaalaman sa diskurso.
“A language that does not move,” ani premyadong manunulat na si Rody Vera, “is dead.”
Siguro nga. Pero ang laki nang pangamba kong dahil "language is evolving" ay tuluyan nang lumayo ang interes ng kabataan sa panitikan mula pa kina Balagtas. Dati, ang pagbabago sa wika ay galing sa panitikan at journals. Ngayon, buhat na sa FaceBook, fake news, at TV newscasters.
Halimbawa: “Mananakay,” dating “pasahero.” Gamit daw ito ng mga lolo sa Cavite, patutoo ng ka-chika kong IT empress na Denggai Silorio. Pero tumututol si Ward Luarca, dating artista, kasama sa Batch ’81, ni Mike de Leon. Aniya: “Unless an expert says otherwise, I maintain the word ‘mananakay’ is a pretty recent coinage. I am nearly 65 years old, a Manileño through and through would also stay for long periods in Tayabas… and I vow to have only encountered the word, maybe the last 10 or 15 years, over TV Patrol and its spawns.”
Screenwriter Eric Ramos earlier teased me I still had days to go for my “Buwan ng Wika” posts. I vowed to do one each day, but I spoke too soon. Doing Dolorosa, with the Tanghalang Ateneo proved to be more demanding than I thought. That the play was in English was also irony at its best. So naisantabi ko na.
Pero humabol si Ricky Calderon—entertainment writer and columnist, may iba pa ba?— nang post sa kanyang Facebook wall, nito lang Aug 27: “Ayusin mo na, hindi ayusin mona. Mahirap ba intindihan iyan? My goodness.”
Na sinagot ko, nang: “Meron pang "Gising kapa?" And it gets worse. "Diko na alam."
Buwelta ni Ricky: “Para naman silang hindi nakapag-aral. Hay.”
Hay, talaga. ###