Paalam, Tony Mabesa

by Bibeth Orteza
Oct 8, 2019
Kung kelan nagsimulang maging okay si Bibeth Orteza sa sunud-sunod na pagkamatay ng mga kaibigan, nagulantang siya ulit ng pagpanaw ni Tony Mabesa.
PHOTO/S: Jerry Olea / Facebook

Hello po. Welcome ulit to Labandera Chronicles.

Sa huli kong paglalaba, nagpasalamat ako kina Isah Red, Lian Chua, Nelson Navarro, at Mama Mel Chionglo, medyo nagmalaking nahimasmasan na sa halos sabay nilang pamamaalam sa mundo, dahil, ‘kako pa, naipukpok ko na sa isip kong life goes on, that I needn’t focus on what has been lost and could not be retrieved again. Tutal naman, nariyan ang mga alaala, great memories with matching pictures of moments spent with deceased friends.

I spoke too soon.


For no sooner had I started to focus on normalcy, with last weekend’s opening of Katsuri, my adaptation of John Steinbeck’s Of Mice and Men, directed by my husband Carlitos Siguion-Reyna for Tanghalang Pilipino, at the Huseng Batute Theater, Cultural Center of the Philippines, right on that same opening night, soon after the Q & A that preceded the performance, pag-akyat ko pa lang sa lobby, nakita ko agad ang hindi maipintang mga mukha ng aming lighting director Dennis Marasigan at set designer na si Ohm David.

“Bakit?” Maagap kong tanong.

“Si Sir Tony po, si Sir Tony,” ang halos pabulong na sabi ni Ohm. Nagyakap kami ni Dennis. Nag-iyakan.

Continue reading below ↓

Si Tony, artista at haligi ng teatro, mentor ng di na halos mabilang, kasama ang mag-asawang Shamaine Centenera at Nonie Buencamino, Eugene Domingo, Irma Adlawan, Frances Makil-Ignacio, Adriana Agcaoili, Brian Arda, at mga gurong mas nakababata sa kanyang sina Alex Cortez, Banaue Miclat, Dexter Santos, at Ami Remolete.

Si Tony, na lumabas bilang asawa ni Rebecca Gonzales at tatay ni Isabel Rivas sa aming Tepok-Bunot noong 1979, kung saan ang bida ay si Roderick Paulate. Nakasama rin namin sa Azucena (2000), kung saan ipinakilala si Alex de Rossi at tampok din sina Ricky Davao, Glydel Mercado, at Dante Rivero.

Si Tony, na nitong kararaang Metro Manila Film Festival ay nanalong Best Supporting Actor para sa Rainbow Sunset ni Direk Joel Lamangan, kung saan tampok din ni Gloria Romero at ang nitong Hunyo lamang ding namayapang Eddie Garcia.

Ubod siya ng lungkot noong ginaganap ang necrological services para kay Tito Eddie, hindi siya makumbinseng magbigay din ng eulogy, naupo na lamang doon sa Heritage Chapels at tahimik na lumuha.

Si Tony, na noong Marso ng halos kasisimulang taon ay nanood pa ng Coriolano ni Carlitos para sa Tanghalang Pilipino rin, kasama ni Direk Joel. Pabiro ko siyang sinita matapos ang dula, dahil nag-picture taking sila nang hindi ako kasama. Mas matindi ang buwelta niya sa akin: “Bakit ka kailangang kasama, hindi ka naman artista, asawa ka lang ng director!”

Si Tony na, sa tutoo lang, siya’ng unang nakaisip na himukin si Carlitos na maging artista sa kanyang pagsasadula ng King Lear ni Shakespeare para sa Dulaang UP, dangan nga lamang at hindi natuloy. Sa kabila ng hindi pagkakatuloy na iyon ay nagawa pa niyang panoorin ang asawa ko bilang Torvald sa A Doll’s House Part 2, ng Red Turnip Theater sa direksyon ni Cris Villonco, noong isang taon. Matapos manood ay nagtext pa siya sa akin: “Ang galing ni Carlitos.”

Continue reading below ↓

Antonio Ocampo Mabesa, 84.

Kung hindi ako handang mawala siya sa isang iglap, lalo pang hindi ang laksa niyang mga estudyante at kaibigang kasama sa halos araw-araw, higit ang mga alaga niyang aso. Sa bigat ng pakiramdam ko pag-alis niya, nagsuot ako ng pulang pantulog kinagabihan, pangputol sa palagi na lang itim na kulay ng pagluluksa.

Makalampas ang alas-kuwatro kinabukasan, nagising ako sa balita mula kay Niño Muhlach: Wala na rin ang kanyang mahal na Tita Nena—Amalia Fuentes sa ating lahat. Hindi tumalab ang pantulog kong pula.

Tinitipa ko ito, may humabol pa. Ang aktibistang Carlos Celdran, 46 lamang, inatake sa Madrid, Spain, while in political exile.

Taglagas ngang talaga. ###

Read Next
Recommended Videos
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Kung kelan nagsimulang maging okay si Bibeth Orteza sa sunud-sunod na pagkamatay ng mga kaibigan, nagulantang siya ulit ng pagpanaw ni Tony Mabesa.
PHOTO/S: Jerry Olea / Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results