JERRY OLEA: “Bawal Ang Fake News Sa IBC.”
Iyan ang motto ng 30-minute news magazine na Tutok 13, na napapanood Lunes hanggang Biyernes ng 5:30-6:00 P.M. sa IBC 13, with Vincent Santos as anchor.
Kung may Atom Araullo ang GMA-7, may Vincent Santos ang Trese!
“Si Atom po ay iniidolo ng lahat na newscaster. Kung umabot po ako sa kalahati niya, masaya na po ako,” nakangiting sambit ni Vincent sa presscon nitong Marso 6, Miyerkuless, a Mesa restaurant, Morato Avenue, Q.C.
“Ako po’y nagsisimula pa lang. Gusto ko lang pong makapag-contribute ng positibo.
“Para sa akin po, inilagay po ako ng Diyos dito, para po magkatulung-tulong kaming lahat.”
Si Kat de Castro ang Presidente at CEO ng IBC 13 (Capitol Hills Drive, Old Balara, QC).
“As of now po, news and public affairs po muna ang gagawin namin, because it’s the easiest to produce, definitely,” lahad ni Kat.
“At the same time, I would also be replaying some of the shows which IBC 13 was known for.
“Ibabalik po natin, right now, may T.O.D.A.S. (Monday-Friday, 7:30 PM), may Hapi House (Monday-Friday, 4:00 PM).
“Sic O’Clock News (Monday-Friday, 6:00 PM), ipinapalabas po uli namin.
“Ang hindi lang po namin nakukuha is yung Iskul Bukol, kasi gagamitin daw po uli ng APT yung materials.”
NOEL FERRER: I remember Chicks To Chicks, Goin’ Bananas, Eh Kasi Babae, Public Forum, at The Sharon Cuneta Show na dating nasa Channel 13 din.
Looking forward to the rerun of Hapi House and T.O.D.A.S. (Television’s Outrageously Delightful All-Star Show), plus of course Sic O’Clock News.
Sana nga, magkaroon ng updated Sic O’Clock News ang bagong Channel 13.
And speaking of their new anchor na si Vincent Santos, salamat naman at idolo niya ang pamilya nating si Atom Araullo.
Ngarag ngayon si Atom because he is dabbling through 3 documentaries—one for iWitness, another one for The Atom Araullo Specials, at yung isa pa ay surprise na docu series for a major international network.
Atom is also set to start his daily digital newscast on GMA-7 called Stand For Truth soon.
Kaya ang saya lang na grabe ang regard sa kanya at paggalang ng kanyang peers.
GORGY RULA: Tila humihina na nga ang movie industry, palakasin na lang natin ang TV industry.
Sabi ni Kat, welcome ang mga artistang magtrabaho sa kanila.
Kung papayagan sila ng kanilang TV network, bukas ang Kaibigan network para sa kanila.
Pero tuloy pa rin ang bidding para sa privatization ng IBC 13.
So far, tatlo raw ang nagbigay ng interes at nag-uusap pa raw sila ngayon.
Pagkatapos ng eleksyon ay aayusin na raw nila ito, at hopefully, bago matapos ang 2019, mabibili na ang IBC 13.
JERRY OLEA: Ipagdiriwang ng IBC-13 ang ika-60 anibersaryo nito sa pagpapalabas ng documentary special na The Original No. 1: IBC 13’s Legacy to Philippine Television sa Marso 8, Biyernes, 9:30-11:00 P.M.
May interbyu rito kina Senador Tito Sotto, Joey de Leon, Direk Bert de Leon, Kitchie Benedicto, Nova Villa, Chichi Fajardo-Robles, Lolit Solis, Linggit Tan, Manny Castañeda, Lily Yap, Marivin Arayata, at Lilybeth Gomez-Rasonable.
“That time talaga, pinakamaganda ang Broadcast City (RPN-9 at IBC-13),” pakli ni Manay Lolit.
“I can say na yun pa nga ang pinakamayaman sa lahat ng istasyon, di ba?
"Doon ko nakuha yung first million ko. Ha! Ha! Ha! Ha!
“Ang mga executive ngayon sa Channel 2 and 7, galing sa 13!”