JERRY OLEA: Pumanaw na ang komedyanteng si Chokoleit (Jonathan Garcia sa totoong buhay) nitong Marso 9, Sabado ng gabi, sa Abra.
Shout out ni Carl Guevarra (isa sa limang members ng bandang The Juans) sa Facebook ilang minuto bago maghating-gabi nitong Sabado: “Unbelievable. Chokoleit performed right after our set and we witnessed how he struggled through the entire performance.
“The ambulance rushed him to the hospital in Vigan but now we were informed he didnt make it and passed away.
“We are all in shock. Prayers to all his loved ones. RIP”
Ang huling post ni Chokoleit sa FB ay ang poster ng Variety Show na nakatakda nitong Sabado ng 8 P.M. sa Abra Sports Complex, Bangued, Abra, kaugnay sa Abrenian Kawayan Festival 2019.
Bida sa variety show sina Coleen Garcia, Enchong Dee, Paulo Avelino, JM de Guzman, Ryza Cenon, at Pops Fernandez.
Nasa poster din sina Chokoleit, The Juans, at Showtime Dancers.
NOEL FERRER: Ang sabi ng isang kasama niya sa show, “Nag-one song po siya, then um-exit kasi humingi raw po ng water then tumuloy pa rin then after ng 4 songs niya, pagbaba raw po ng stage, nag-collapse na po.”
Nakakagulat talaga itong pangyayari.
Life is short indeed, kaya magpakahusay, magpakabait at magpakaligaya na lang tayo!
Si Pokwang agad na malapit na kaibigan ni Chokoleit ang naisip ko.
Ang nasabi lang ni Pokie sa akin ay, "Kuya. napakasakit ng balita."
Ang aming pakikiramay sa mga iniwan niyang pamilya at kaibigan.
JERRY OLEA: Kaibigan ko si Chokoleit noong nagsisimula pa lang sila ni Ate Gay, at hinawakan pa sila noon ni Direk Maryo J. de los Reyes (RIP).
Early 1990s noon na tumatambay-tambay pa kami sa Jealousy (na naging Jaloux) Discotheque sa Quezon Avenue, Q.C., at hindi pa noon nasusunog ang Ozone Disco sa Timog Avenue, Q.C.
Ang huling one-on-one interview ko sa kanya ay sa birthday salubong ni katotong Allan Diones noong Oktubre 7, Linggo, sa 1009 bar, Morato Ext., QC.
Kinumusta ko pa sa kanya yung gwapong lalaking nakahalikan niya sa viral video noong Pebrero 2017.
“Nasa ICU pa rin siya!” napangiting sambit ni Chokoleit. “Agaw-buhay! Ipagdasal po natin siya!”