JERRY OLEA: $456.7M agad-agad ang worldwide gross ng Captain Marvel, ang ika-21 pelikula sa Marvel Cinematic Universe (MCU).
Ayon sa Box Office Mojo, ang opening weekend gross (March 8-10) nito ay $153.4M, samantalang sa foreign market ay humamig agad ito ng $303.3M. Sa MCU franchise, ikapitong pinakamalakas na opening (domestic, North American) ito.
Hindi nalalayo ang performance nito sa pagbubukas ng The Dark Knight ($158.4M opening), The Hunger Games: Catching Fire ($158M opening), Rogue One: A Star Wars Story ($155M opening), at The Hunger Games ($152.5M opening).
Marvelous ang opening ng Captain Marvel sa Pilipinas noong Marso 6.
Walang pelikulang Pinoy na nangahas tumapat dito.
Bukas (Marso 13, Miyerkules), tatlong Filipino films ang mag-o-open—ang Ulan nina Nadine Lustre & Carlo Aquino, Kuya Wes nina Ogie Alcasid & Ina Raymundo, at Neomanila nina Eula Valdes & Timothy Castillo.
Parehong Graded A ng CEB (Cinema Evaluation Board) ang Ulan at Kuya Wes.
Ang Neomanila na idinirek ni Mikhail Red ay lumahok sa ilang international filmfest.
As of March 11, Monday, labing-apat (14) ang mga sinehan nito sa Metro Manila, at lima (5) sa mga probinsiya.
Nagluluksa ang showbiz sa pagpanaw ni Chokoleit. Lumalagaslas ang mga luha sa kanyang lamay.
Masuwerte kaya ang petsang Marso 13 sa mga pelikulang Pilipino?
Ngayong ramdam na natin ang tag-init, bubuhos kaya ang moviegoers sa Ulan?
NOEL FERRER: Nananalangin ako na sana, tangkilikin at kumita ang mga pelikulang Pilipino na magbubukas bukas dahil pawang magaganda at iba’t ibang klase ang mga ito.
Hay, naku! Sana talaga, dumagsa ang mga maka-JaDine at maka-OgRe sa sinehan, at lahat ng mga nagmamalasakit sa pelikulang Pilipino!
Sana. Sana.
GORGY RULA: Parehong naka-Grade A ang Ulan at Kuya Wes, pero mas marami akong naririnig na magandang feedback sa Ulan ni Nadine Lustre.
Ibang genre raw ito na ngayon pa lang in-introduce ni Direk Irene Villamor.
Sana magustuhan ito ng mga manonood.
Dito rin mapapatunayan ni Nadine kung kaya na ba niyang tumayo na walang James Reid na ka-partner. Masuwerte si Carlo Aquino sa takilya.
Sana, umepek uli dito sa Ulan.
Napanood ko ang Kuya Wes sa Cinemalaya, at okay naman. Ewan kung patok ito sa masa.