GORGY RULA: Ngayong March 15, Biyernes, ang huling submission ng application ng Binibining Pilipinas 2019.
Sa Lunes, March 18, ang screening, at sa Martes, March 19, pipiliin na ang official candidates na lalaban sa naturang beauty pageant.
Kinukuwento ng mga nakausap kong ilang agents at talent managers na nagdala ng mga kandidata na medyo mahirap ngayong makapasok sa screening.
Ang daming requirements at talagang masusing inaalam ng legal team ng Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI) ang tunay na pagkatao ng mga kandidata.
Bukod sa birth certificate, medical certificate, may iba pang hinihinging requirements—gaya ng mga ID at litrato noong bata pa sila.
Isa sa iniiwasan pala nila ay ang pagsali ng mga transwoman.
Ayon sa ilang nagdala ng applicants sa screening, may nakakalusot na mga bading. Kasi, ang gaganda talaga nila, na mas maganda pa sa mga tunay na babae.
Sabi naman ng isang kilalang talent manager at mentor ng mga kilalang beauty queens na si Rodgil Flores, wala pa raw siyang nakasabay na transwoman na nagpa-screen.
Pero aware daw silang lahat na hindi pa puwede iyon dito sa atin dahil hindi pa na-legalize sa bansa ang pagpapalit ng identity ng isang tao.
“Siyempre, sa passport niya, lalaki pa rin yan,” pakli ni Rodgil.
“Hindi naman ginagawa sa atin na pinapalitan ang documents, like passport, kung naging babae ka na,” sabi pa niya.
Kaya hindi pa nga siguro tayo handa na dating lalaki ang isang beauty queen na isasali sa Miss Universe o saan mang international beauty competition.
Ayon sa ilan pang napagtanungan namin, marami talagang magagandang sumali, dahil mas matindi ang pressure na magkaroon tayo ng back-to-back win sa Miss Universe.
Kaya tuwang-tuwa naman si Madam Stella Marquez-Araneta.
NOEL FERRER: So, sasali nga ba ang mga sinasabing kilalang repeaters, Tito Gorgy?
Si Winwyn Marquez, hindi puwede dahil sa mga napirmahang kontrata sa GMA-7.
Si Vicky Rushton na girlfriend ni Jason Abalos, tuloy ba? Pati ba si Maymay Entrata, makiki-Binibini na, o drawing lang iyon ng kanyang mga tagasuporta?
JERRY OLEA: Anim ang koronang paglalabanan sa Bb. Pilipinas 2019 sa Hunyo.
Puwedeng ilaan ang tatlo sa repeaters, at ang tatlo sa first-timers.
May mga nagsusulong kay Cynthia Thomalla na sumali uli kahit tinanghal na itong Ms. Eco-International 2018, kaya meron ding mga nagpu-push kay Winwyn na Reina Hispanoamericana 2018.
"Give chance to others!" talak ng iba. Bababala pa ng mga ito sa potential repeaters, "Don’t press your luck!”
May gagawing teledrama si Winwyn Marquez sa Kapuso Network kung saan nakakontrata siya, kaya marapat lang na huwag na siyang lumahok sa timpalak.
Sa Hunyo 28 ang ika-50 anibersaryo ng Stonewall riots, LGBT rights demonstrations sa New York City, USA.
Ito ang mitsa ng Gay Liberation movement. Abangan natin kung ang Miss Universe ay tatanggap muli ng finalist na transwoman.