JERRY OLEA: Mistulang third party si Chokoleit sa relasyon ni Divine Tetay at ng kanyang boyfriend.
Salaysay ni Divine Tetay sa burol ni Chokoleit nitong Marso 15, Biyernes, ng madaling-araw sa Paket Santiago Funeral Homes, Marcos Hi-way, Antipolo City, "Iyong boyfriend ko, tinanong ko talaga, 'Ano ba? Nag-kiss ba kayo ni Chokoleit talaga? Sabihin mo na! Umamin ka na!'
"Kasi, kilala ninyo si Monching, di ba? Waiter sa 22nd Street (defunct comedy bar). Every time, sinasabi ni Chokoleit, 'Alam mo, kung hindi ako nagpaubaya, dyowa ko iyan hanggang ngayon!'
"So, every time na lang, gano'n.
"'Daddy, nag-kiss ba kayo ni Chokoleit? Aminin mo na naman sa akin. Hindi ako magagalit!'
"So, for 15 years, kami ng partner ko... that’s the fourth time I saw him crying. Kanina. No'ng umalis na siya.
"And he has so much love and respect for Chokoleit."

Nagmistulang gathering ng mga komedyante ang burol ni Chokoleit, at umapaw ito sa tawanan at okrayan. Ang kiss ang isa sa paboritong topic, na kahit noong buhay pa si Chokoleit ay madalas siyang mag-joke tungkol dito.
Kidding aside, si Chokoleit ang nagturo kay Divine Tetay na magmaneho nang reckless. At marami rin siyang memories kasama ang kaibigan.
"One time, nabato siya sa C-5, yung windshield niya, pagdating niya sa Las Piñas, after five minutes, doon bumagsak," paggunita ni Divine Tetay.
"So, sabi niya, 'Pag-uwi, 'te, pahiram ng shade.' Pinalinis niya sa waiter yung lahat ng mga natirang bubog, mga tibog. So, nagda-drive siya, magkasunod kami sa Coastal, sabi niya, 'Tingnan mo ang gagawin ko, ha? Tingnan mo!'
"So, magkasunod kami. Pagdating ng Coastal [toll gate], hindi niya ibinaba yung bintana.
"Doon siya lumusot sa windshield niyang gano’n. So, yung nandoon sa toll gate, sobrang natawa."
Napakalaki ng tulong ni Chokoleit kay Divine Tetay.
"He was my defender, my everything when I started sa comedy bar... 2000, 2000, 2001," sambit ni Divine Tetay na bakas ang matinding pagdadalamhati sa mukha at boses.
"Ano... si Chokoleit yung... siya yung nagsasabay sa akin sa work noong may set pa kami sa 22nd Street sa Las Piñas.
"Susunduin niya ako diyan sa kanto sa may Julia Vargas, 'tapos gano'n. Ilang years, gano'n kami. And then, until I... he helped me become kung ano ako. Isa siya sa mga tumulong sa akin lahat.
"I always tell this sa kanya na, 'Alam mo, 'te...' Pag naglalaitan kaming dalawa, di ba, 'Chaka mo ganito-ganito-ganyan!' 'Oo, chaka ako.'
"Pero hihirit ako sa kanya, 'Oo, but you have a very beautiful soul.' 'Tapos, he will just stop, and he will just hug me.
"So, yun yung mga... saglit lang kami. Hindi kami puwedeng maging seryoso nang matagal. Kasi, pag tumagal, hindi na si Chokoleit iyon..."
Gumagaralgal ang boses ni Divine Tetay, "Ahhh... I want to make this very brief lang, as much as possible, kasi he doesn’t like us to be sad and crying. So... so, we are going to miss him so much, and we have so much love and respect for Chokoleit...
"Sorry, ha, pero kalat... we’re just all here tonight para magbigay-pugay sa nag-iisang MNR [Mahal Na Reyna] natin."
Nagpasalamat si Divine Tetay sa mga tagubilin sa kanya ni Chokoleit—na bumalik sa mundo ng comedy bar kahit lumalabas na sa TV, at mag-ipon para sa kinabukasan.
Pakiusap ni Divine Tetay, "Please continue praying for Chokoleit because I’m pretty sure, super... super mala-love niya iyon pag lahat tayo, nagpe-pray para sa kanya."
Tumingin si Divine Tetay kay Chokoleit, "I love you, MNR!" sabay halik sa kabaong nito.
NOEL FERRER: So, platonic lang—love and respect without kiss—iyan ang relasyon nila kay Chokoleit na pinaglalamayan sa Davao City.
Bukas ang cremation, at ang cremains, e, iuuwi sa bahay niya sa Town and Country Homes sa Cainta, Rizal.
Paalam at maraming salamat, Chokie!!!
GORGY RULA: Nasaan na ba yung lalaking nakalaplapan ni Chokoleit? Matagal ding pinag-usapan iyun pagkatapos itong pagpiyestahan sa social media.
Pumunta kaya siya sa burol ng komedyante? Ang biro ng ilan, comatose at nasa ICU pa rin ang lalaking yun.
O baka hindi lang napansin, pumunta naman siya sa burol dahil naging bahagi ng buhay niya si Chokoleit, at na-enjoy niya ang 15-minute of fame dahil sa laplapan video na yun.
PEP Live