JERRY OLEA: Naguluhan si Gerald Tabanag sa isang babaeng nakipaglamay sa burol ng kanyang half-brother na si Chokoleit, Jonathan Garcia sa totoong buhay, ngayong Linggo, Marso 17, sa Davao City.
“Kuya, ilalagay ba siya sa Equilibrium?" tanong ng babaeng nakipaglamay.
“What do you mean?” balik-tanong ni Gerald.
Tugon ng babae, “Di ba, ike-cremate siya? Di ba, inilalagay sa Equilibrium yun after?”
Sabi ni Gerald, “Iha, Columbarium ang tawag dun!”
“Talaga ba?"
Sabay silang napahagalpak.
Linggo ng 7:06 PM, ipinadala ni Gerald sa PEP Troika ang pictures na nasa urn na ang cremains ni Chokoleit.
Inilagak ang mga abo ni Chokoleit sa Equilibrium... este, Crematorium ng Davao Memorial Park, kasama ang ashes ng kanyang ina na noong 2009 pa pumanaw.
GORGY RULA: Gusto kong kunin ang opportunity na ito upang humingi ng paumanhin sa mga na-offend sa item natin tungkol sa eulogy ni Divine Tetay para kay Chokoleit.
Hindi ko kasi binasa ang lahat na nag-comment sa item na iyun, pero marami ang nagalit sa komento ko tungkol sa nag-viral dati na torrid kissing ni Chokoleit at isang lalaking hindi ko na maalala ang pangalan.
Pasensya na po kung nasaktan kayo sa komentong iyun at kung ang tingin ninyo ay nabastusan kayo.
Wala po akong ganoong intensyon.
Ang natitiyak ko po, hindi iyon ikakagalit ni Chokoleit dahil noon pa man ay tuwang-tuwa siyang pinag-uusapan ito, at hindi ito bastos para sa kanya.
Kung narinig po ninyo siguro ang mga eulogy sa kanya ng mga matatalik niyang kaibigan doon sa burol, mas masahol pa roon dahil ganoon talaga ang trato nilang magkaibigan.
Sa matinding asaran nila ipinapadama ang pagmamahal nila sa namayapang komedyante.
At gusto po ni Chokoleit ang ganoon na masaya lang sa kanyang burol.
Patuloy ko pong ipinagdarasal ang kaluluwa ni Chokoleit.
NOEL FERRER: Salamat sa magagandang alaala, Chokie! You are loved and valued! Hanggang sa susunod...