GORGY RULA: Suportado ng mga taga-It’s Showtime ang premiere night ng pelikulang Papa Pogi, nitong Marso 18, Lunes, sa Cinema 6 ng Trinoma, Quezon City.
Dumating sina Vhong Navarro, Ryan Bang, Nicole Cordoves, at ilang miyembro ng Hashtags. Kasama rin si Karylle at mister nitong si Yael Yuzon.
Bida si Teddy Corpuz at kasamahan din nila sa It's Showtime si Alex Calleja, ang nagsulat at nagdirek ng Papa Pogi.
Nasa pelikula ring ito ang Hashtags members na sina Zeus Collins, Nico Natividad, at Luke Conde.
Sabi ni Teddy, noong simula pa lang ng promo ng pelikulang ito ng Regal Entertainment ay tumutulong na sina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong, at iba pang co-hosts.
Iyon daw ang tatak ng samahan nila—kapag may projects, todo ang suporta ng lahat.
"Full support po yung Showtime. Ganyan naman po sa amin, e.
"Pag may bagong single kunwari ang banda ko, magsasabi lang daw para i-post nila. Ganun din sa movie.
"Lahat sila, kahit sina Anne, Tiyang Amy, si Vhong—nagpu-post sila, kasi malaki yung social media arm nila, e," pahayag ni Teddy.
Kaya paulit-ulit na nagpapasalamat si Teddy dahil solid ang suporta sa kanilang pelikula.
Naibahagi rin ng leading lady ni Teddy na si Donna Cariaga na pati si Coco Martin ay nagpahayag ng suporta.
May taping lang ang FPJ’s Ang Probinsyano kaya hindi nakasipot si Coco sa premiere night.
Si Donna—na nanalo sa It's Showtime contest na "Funny One" Season 2 noong 2017—ay kasalukuyang bahagi ng Ang Probinsyano.
Nagulat daw si Donna dahil si Coco pa raw ang nagtanong sa kanya tungkol sa pelikula. Nakita raw ni Coco ang trailer at nagandahan daw ito.
Sinabihan daw ni Coco si Donna na kung meron siyang puwedeng ibigay na suporta, sabihin lang daw sa kanya.
"Sabi naman ni Direk na basta wala lang siyang taping, pupunta siya sa premiere night,” saad ni Donna tungkol sa usapan nila ni Coco, na kilalang nagdidirek ng sarili nitong teleserye at pelikula.
Marami naman ang natuwa sa Papa Pogi. Napansin namin ang mga security guards sa sinehan, hindi na lumabas dahil tawa na sila nang tawa sa pelikula.
Sana, magandang senyales ito para sa naturang pelikula.
Sabi ni Direk Alex Calleja, alam nilang hindi talaga maganda ang mga pelikula natin sa ngayon. Pero sana, kahit paano, may magagawa raw itong Papa Pogi para maputol ang sumpa.
JERRY OLEA: Sumpa? Anong sumpa? Saan? Kailan? Paano? Naniniwala ba kayo sa mga sumpa-sumpa na iyan?
Papanoorin ng moviegoers ang mga pelikulang gusto nilang panoorin, kaya matagumpay sa takilya ng bansa ang Captain Marvel at Alone/Together.
Abang-abang ang moviegoers sa Avengers: Endgame na nakatakdang ipalabas sa Abril 24.
Kung gusto ng fans nina Teddy, Myrtle Sarrosa, at Donna Cariaga na pogilicious ang resulta ng movie sa takilya, magparamihan sila ng block screenings. Panoorin nila ito nang paulit-ulit.
NOEL FERRER: Good luck sa grupo nina Teddy, Donna, at Myrtle sa pagbubukas ng pelikula nila bukas.
Ganoon din kina Bayani Agbayani at Gelli de Belen ng Pansamantagal na Graded B ng Cinema Evaluation Board.
Good luck talaga!