GORGY RULA: Positive feedback ang natatanggap ni Nora Aunor sa performance niya sa Onanay na nagtapos na noong Marso 15, Biyernes ng gabi, sa GMA-7.
Mataas ang rating sa final episode nito na nakapagtala ng 14.8% sa AGB NUTAM, samantalang ang katapat na The General’s Daughter ay 10.8%.
Nagtatanong na ang Noranians kung may kasunod na bang proyekto ang Superstar sa GMA-7?
“Hinahanapan namin siya,” text sa akin ng VP for Drama na si Ms. Redgie Magno nang tinanong ko kung ano ang next project ni Ate Guy.
Mukhang wala silang problema sa magaling na aktres, kaya gusto nilang magkaroon siya ng isa pang drama series sa Kapuso network.
Habang wala siya sa TV, gusto raw ni Nora na gumawa ng pelikula.
Pero ang isang pinaplano niya ay ang magdirek ng pelikula.
Kuwento sa akin ng isa sa mga close kay Ate Guy, may isang magandang kuwento na gustong idirek ng Superstar, pero naloka ang producer dahil ang mahal daw ng charge ng writer sa isinumiteng kuwento.
Kuwento raw ito ng isang ina na matagal nang hinahanap ang kanyang tunay na anak, na hindi raw alam, kasama lang pala niya.
Gustung-gusto raw sana itong gawin ni Nora at susubukan niyang siya ang magdirek, pero hindi pa raw nagkasundo sa presyo ang producer niya at ang scripwriter.
NOEL FERRER: Si Ate Guy ang nagdirek ng unfinished na The Greatest Performance Of My Life.
Sana, matuloy na ang kanyang pagdidirek dahil, I’m sure, marami ang nag-aabang ng kanyang susunod na gagawin after Onanay.
Isa pa, ano na kaya ang nangyari sa tangka niyang idirek ang pelikulang tungkol sa isang national calamity na sinapit natin, at yung isang matinding family drama na tinawagan na ako para sa casting?
Sana matuloy ang mga ito para iba na namang level ng pagkasining ito para sa ating People’s National Artist!
JERRY OLEA: Ayon naman sa National TV Ratings (Urban + Rural) ng Kantar Media noong Marso 15, naka-28.9% ang The General’s Daughter, kontra sa 22% ng finale ng Onanay.
Ewan kung tatapusin na itong The General’s Daughter, pero balitang-balita na ang bida ritong si Angel Locsin ang inspirasyon para sa karakter na Wave ng Marvel Universe.
Si Ate Guy, naintriga kaugnay sa pelikulang Jesusa, na napunta ang role kay Sylvia Sanchez.
Mas mabuting sa TV na lang muna ang 65-anyos na Superstar.
Ano ba ang huling pelikula niyang kumita sa takilya?