JERRY OLEA: Parehong nagpasalamat sina Mel Tiangco at Charo Santos nitong Marso 25, Lunes ng hapon, sa social media.
Ayon sa Nationwide (NUTAM) People’s Ratings ng Nielsen nitong Marso 23, Sabado, naka-12.1% ang "Viral Macho Dancer: The Dante Gulapa Story" ng Magpakailanman (hinu-host ni Mel), kontra sa 10.2% ng "Diploma sa Selda" episode ng MMK (hinu-host ni Charo).
Pero ayon sa National TV Ratings (Urban + Rural) ng Kantar Media, naka-27.5% ang MMK episode na pinagbidahan ni Vance Larena, kontra sa 17.5% ng Magpakailanman episode na pinagbidahan ni Jak Roberto.
Kung aktingan ang pag-uusapan, lamang si Vance kay Jak.
Pero kung pagandahan at paseksihan ng katawan ang labanan, kabog ni Jak si Vance.
Idolo ni Vance si Dante Gulapa, ang karakter na ginampanan ni Jak. Grade 6 lang ang natapos ni Dante.
Ewan kung idolo ni Jak si Victorio Principe, ang preso na naging topnotcher sa ALS, na ginampanan ni Vance.
NOEL FERRER: Sana ay magsanay pa sa aktingan si Jak Roberto dahil ang comment sa acting niya ay “leaves much to be desired.”
Hindi kasi sapat ang paggiling at ganda ng katawan lalo na kung hungkag at walang laman ang mga mata.
Masaya naman tayo sa talent ng T-Rex ni Rex Tiri na si Vance Larena dahil kakaibang commitment sa pagiging aktor nito, lalo pa’t galing siya sa teatro at nahasa sa daring roles.
Ngayon ay kasama si Vance sa bagong teleseryeng pang-umaga sa ABS-CBN na Nang Ngumiti Ang Langit. Abangan natin ang kanyang next good performances.
GORGY RULA: Mas tinutukan ko ang kuwento ni Dante Gulapa sa Magpakailanman, at pasilip-silip lang ako kay Vance Larena sa MMK.
Okay ang akting ni Vance sa ilang eksenang napanood ko.
Puwede pasar ang pagkalahad ng kuwento ni Gulapa sa Magpakailanman, pero sana, hindi na siya ang pinaganap.
Okay naman kung hindi na kasintaba niya, basta nakakaarte lang at marunong umindayog ang katawan.
May ilang eksena kasi na dinadala na lang siya ni Maureen Larrazabal, na gumaganap na asawa niya.
Ang pagkakaalam ko, puspusan ang acting workshop ng GMA Artist Center sa talents nila, kaya puwede pang mahasa si Jak Roberto. Marami pang puwedeng gawin sa kanya.
Sina-suggest mo ba, Sir Jerry, kung puwedeng isapelikula ang Dante Gulapa story? Bakit naman?
Mas marami pang macho dancers diyan na mas makulay ang kuwento nila kesa sa kanya.
I’m sure, yung mga ginawa noon nina Lino Brocka at Mel Chionglo na kuwento ng mga macho dancer ay hango na rin yun sa tunay na kuwento na na-research nila.
Ang kakaiba lang doon, nag-viral si Gulapa sa social media.
Pero marami pang mas "ka-viral-viral" diyan.