Anak nina Paolo Contis at LJ Reyes, bininyagan na

IMAGE Gorgy Rula

GORGY RULA: Pinabinyagan na nina Paolo Contis at LJ Reyes ang anak nilang si Summer Ayanna nitong Abril 6, Sabado ng hapon, sa Parish of the Hearts of Jesus and Mary sa West Triangle, Quezon City.

Sabi ni Paolo, inuna muna nila ang binyag sa Catholic church at pagkatapos nito ay itutuloy na nila sa Dedication para naman sa Christians.

Ginanap ang Dedication sa Winford Hotel sa Maynila.

Pinuntahan ko ang seremonyang ginanap sa Catholic church sa Quezon City.

Ilan sa mga taga-showbiz na ninong at ninang na dumating ay sina Chariz Solomon, Sef Cadayona, at Jamir Garcia ng bandang Slapshock.

Kabilang din sa mga ninong at ninang sina Dingdong Dantes, Gio Alvarez, Jerald Napoles, at Archie Alemania.

Hindi na ako tumuloy sa Winford, kaya hindi ko pa alam kung nakarating sila.

Ang napansin ko lang sa binyag sa simbahan ay sobrang paglalambing ng anak ni LJ na si Aki.

Panay ang yakap niya kay LJ, at pati kay Paolo. Halik siya nang halik sa baby.

Sobrang malambing daw ngayon si Aki at mahal na mahal daw niya ang baby sister niya. Never daw nagseselos.

“Super talaga siya maglambing. Hindi lang sa akin, pati kay Summer.

“Naghi-help siya pag may kailangan, para kay Summer,” masayang kuwento ni LJ.

Wala kasi silang yaya, dahil gusto raw talaga nila ni Paolo na personal silang mag-aalaga sa kanilang anak, at tumutulong din si Aki.

Kahit puyat si Paolo galing sa taping o shooting, nag-aalaga pa rin daw siya sa baby.

“Wala akong tulugan doon, e. I make time na lang sa taping, doon ako nagpapahinga,” sabi ni Paolo.

NOEL FERRER: Welcome to the Christian world, Summer!

Sana, ang susunod na seremonya/sakramento ay wedding na nina Paolo at LJ!

JERRY OLEA: Ang cute-cute ni Baby Summer sa videos na pinu-post ni Paolo sa Instagram.

Kitang-kita ang saya ni Paolo sa pag-aaruga sa baby nila ni LJ.

Sadyang biyaya si Summer sa kanilang pamilya!

 


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN