JERRY OLEA: Nominado si Allen Dizon bilang best actor ng 5th Sinag Maynila para sa dalawang pelikula—Persons of Interest at Jesusa.
Ang nagwagi ay si Nar Cabico para sa Akin Ang Korona. Inialay ni Nar ang kanyang tropeyo sa kanyang husband.
Ang dalawa pang nominadong best actor ay sina Oliver Aquino (Jino to Mari) at Joem Bascon (Pailalim).
Tabla bilang best actress sina Sylvia Sanchez (Jesusa) at Angela Cortez (Jino to Mari).
Nagkatotoo ang wish ni Sylvia na magwagi sina Angela at Nar na kapwa baguhang artista.
Best picture ang Pailalim, na nagwagi rin sa mga kategoryang best director (Daniel Palacio), best editing, at best cinematography.
Maliban sa best actress, wagi rin ang Jesusa ng Special Jury Prize at best production design.
Maliban din sa best actress, panalo ang Jino to Mari bilang best screenplay, box-office award, at best musical score.
Maliban sa best actor, natamo ng Akin Ang Korona ang SM People’s Choice Award.
Isa lang ang award ng Persons of Interest—best sound.
Walang award para sa best supporting actor, best supporting actress, o stars of the night.
NOEL FERRER: Mabilis at credible ang resulta ng Sinag Maynila Film indie filmfest, na mas aagahan daw ang paghahanda para sa susunod na taon.
Ang sabi pa ng organizer nito na si Wilson Tieng ay magdadagdag pa ng bagong kategorya sa Films for Children, maliban sa Best Documentary (na napagwagian ng Entablado) at Best Short Film (na ang nagwagi ay Panaghoy).
Ang paulit-ulit lang na spiel kahapon na kailangang itama ay "Ang the Sinag Maynila Best Actress (at iba pang kategorya) goes to..."
Buti na lang, may presence of mind si Ice Seguerra (na WIFE daw ni Liza Diño-Seguerra, bago binago at sinabing “husband”) na palitan ang spiel at simpleng ginawang IS—mbes na GOES TO.
Sabi pa ng isang host, Akin Ang Akin ang title ng isang official entry, sa halip na Akin Ang Korona.
In any case, bravo pa rin kina Wilson Tieng at Brillante Mendoza sa successful conduct ng Sinag Maynila.
Palabas pa rin ang mga pelikula hanggang bukas—at maaaring i-extend ang iba hanggang Holy Week.
GORGY RULA: Kung aagahan nina Direk Brillante at Mr. Tieng ang preparasyon ng Sinag Maynila, agahan na rin sana ang promo nito.
Puwede namang ngayon pa lang ay pasiglahin na nila ang social media account ng naturang festival.
Updated ang website nila, para doon na mag-follow up ang mga gustong sumali next year.
Di ba, ganyan ang ginagawa ng Cinemalaya na isang taon ang preparasyon?
Pati ang Pista ng Pelikulang Pilipino na napakaaga rin ng publicity.
Sana, maging maingay na ito sa susunod.