Eddie Garcia, Tony Mabesa, wagi sa Houston international filmfest

IMAGE Jerry Olea

NOEL FERRER: Nagdiriwang sa Houston, Texas ang Filipino delegation dahil sa marami nating panalo sa 52nd WorldFest-Houston kung saan sumuporta ang Metro Manila Film Festival committee sa pag-sponsor ng ating mga kinatawan doon.

Isa itong malaking achievement dahil produkto bale ng MMFF ang Rainbow’s Sunset na umani ng mga parangal.

Congratulations kina Eddie Garcia at Tony Mabesa na tabla sa Best Actor award!

Congrats din kay Eric Ramos na nagtamo ng Best Story Innovation award for Joel Lamangan's Rainbow’s Sunset under Harlene Bautista’s Heaven’s Best Productions.

Mabuhay ang mga manlilikhang Pilipino!

JERRY OLEA: Prinodyus ni Harlene Bautista ang Rainbow’s Sunset para sa ninong niyang si Tony Mabesa.

Tuwang-tuwa si Harlene nang kilalanin si Tony bilang Best Supporting Actor ng MMFF 2018.

Iyon ang unang acting award ni Tony sa local movie industry.

Siyempre, lalong magsasaya si Harlene ngayong nagkamit pa ang kanyang Ninong Tony ng Best Actor award sa WorldFest-Houston 52nd Awards Gala katabla ang co-star na si Eddie Garcia.

Nominado ring Best Actor sa nasabing filmfest sina Justin Berti (Frontera, mula sa USA), Raymond Bagatsing (Quezon’s Game, mula sa Pilipinas), Joseph Wycoff (No Turning Back, mula sa New Zealand), at Sanjar Madi (Paris Song, mula sa Kazahkstan).

GORGY RULA: Congratulations sa winners!

At least, vindicated dito si Eddie Garcia dahil marami ang nagtaka noong nakaraang MMFF 2018 na bakit Special Jury lang ang ibinigay sa kanyang award.

E, ito pala, ka-tie pa si Tony Mabesa na inilagay sa kategoryang Best Supporting Actor sa nakaraang Metro Manila Film Festival.

Ayon sa ilang napagtanungan ko tungkol dito sa 52nd WorldFest-Houston International Film Festival (April 5-14), ang daming nag-submit dito ng pelikula.

Pero masusi itong ini-screen ng committee at halos 5% lang daw sa mga isinabmit na entries ang nakakapasok for competition at masasabing awardee ng Golden Remi Awards.

Kapag pasok ka for competition sa naturang international film festival at ma-screen sa public, ang suwerte mo na at tiyak makakatanggap ka na ng Bronze.

Pero kung Gold award ang ibinigay sa iyo, ibig sabihin ay angat ito sa lahat ng entries.

Kaya congratulations din kay Direk Louie Ignacio na nakakakuha ng Gold ang pelikulang niyang School Service.

Pero mas wagi ang Short film ni Atty. Joji Alonzo na Last Order dahil Platinum ang iginawad ng WorldFest-Houston.

Mas mataas pa ito sa Gold.

Napag-alamang namayagpag din pala sa ibang international filmfest itong short film ni Atty. Joji.

Nanalo ito noong nakaraang taon sa Pyongyang International Film Festival sa Pyongyang, North Korea.

Binigyan din pala ito ng South Korean premiere sa Busan International Film Festival noong nakaraang taon.

Kaya abangan natin ang entry ni Atty. Joji sa Cinemalaya kung swak din ba sa international film festivals.

 


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN