GORGY RULA: Nakatanggap ako ng message mula sa isang close friend na nasa Arizona, USA ngayong Sabado, Mayo 18, dahil kasalukuyang nasa Scottsdale Center for the Performing Arts daw siya noong oras na iyun at pinapanood ang concert ni Lea Salonga.
Sold-out daw ang tickets na nagkakahalaga ng 35 hanggang 85 US dollars.
Punung-puno ang venue at tuwang-tuwa raw ang mga tao pagpasok pa lang ni Lea sa kanyang opening number na naka-long gown pero naka-sneakers.
Ipinaliwanag niyang nagti-therapy pa siya dahil sa naaksidente siya sa skiing vacation niya noong Enero.
Masigabong palakpapakan sa opening song nito, pero pangalawang kanta niya ay nagulat daw siya sa tunog ng cellphone.
Bago kasi sinimulan ang concert, may warning na i-turn off o i-mute ang cellphone para hindi nakaka-distract sa performance.
Tumigil si Lea sa pangalawang kanta niya at nag-dialogue ng tipong ganito, “I heard a phone ringing over there and I will stop and ask you to answer because it could be emergency.
“Emergency happens and just go ahead and answer it. I’ll wait, that could be an emergency.”
Medyo nakataas daw ang kilay ni Lea.
NOEL FERRER: Iyan ang theater etiquette na dapat nating sundin, na kung minsan pati ako ay guilty rin.
Kasama rin sa pagma-mature ng mga manonood at para ma-enjoy nang lubusan ang pinapanood na palabas, at respeto na rin mismo sa mga nagtatanghal.
Tunay ngang tumatatak ang isang Lea Salonga kahit nasaan man siya: sa kanta man o sa salita niya, tagos sa buto-buto, di ba?
JERRY OLEA: May mga palabas sa teatro na mahigpit ang pagbabawal mag-cellphone.
Ilabas mo lang ang cellphone during performance ay may laser light na tatama sa iyo.
Maging sa mga sinehan, bago ang showing ng pelikula ay may paalala na i-off o i-mute ang cellphone.
Noon pa man ay ipinamarali na ni Lea ang do’s & don'ts sa panonood sa teatro.