JERRY OLEA: Hindi maawat ang mga fake news.
Ang mga hoax, urban legend, propaganda o satirical pieces ay itinuturing minsan na totoo at ipinapakalat nang walang humpay.
Pinagsususpetsahan ang isang sikat na TV/movie personality na kesyo isa sa mga pangunahing kliyente ng drug pusher na natimbog.
Nakalagay kasi ang pangalan at contact numbers ng celebrity sa cellphone ng na-tokhang na pusher.
E, may tsika na kesyo may advisory ang isang university sa mga atleta nila na layuan ang sikat na TV/movie personality.
1 + 1 = 2.
Ang conclusion, hindi nagdodroga ang celebrity kaya handa itong magpa-drug test.
Kesyo namumudmod ng droga ang celebrity para makalandian ang mga atleta.
Habang tumatagal ay lalong nagiging masalimuot ang istorya.
Kesyo damage control ang bagong lovelife ng celebrity, pero nanatili raw ito sa Top 3 na bumibili ng bawal na gamot.
Sa isang pagtitipon kamakailan ng mga artista ay dyinu-joke-joke ang isyung droga, pero sa pagsalin-salin nito ay seryoso na ang dating.
May bagong twist sa kuwentong ito.
Totoo raw na magkakilala ang na-tokhang na drug pusher at sikat na TV/movie personality, pero hindi raw kumukuha ng droga ang sikat na TV/movie personality.
May sideline daw ang na-tokhang na drug pusher, ang pagiging boogie wonderland.
Mga modelo raw na karamihan ay banyaga ang isinu-supply, ipinapa-date o ibinubugaw ng pusher sa sikat na celebrity.
Wala raw sangkot na droga.
NOEL FERRER: Nakakatawa ang kiyeme-kiyemeng bukingan daw sana sa gathering sa Malacañang with the President kamakailan.
Nagtatanungan daw kasi ang mga celebs na nandoon kung ano ang program, agenda at ang dahilan ng kanilang pagkakaimbita sa naturang pagtitipon.
Punchline daw nina Arnelli Ignacio at ni Ai-Ai delas Alas na doon daw ibubunyag ang drug list—na labis na ikinatawa ng mga nagsidalo.
In any case, wala sa pagtitipon ang sikat na TV/movie personality.
GORGY RULA: Biru-biruan iyun sa isang pagtitipon na parang may bahid ng katotohanan.
Ang ikinatatakot ng ilang close friends nitong kilalang celebrity kung ilalabas ang listahan ng mga involved sa droga.
Kung totoong kasali itong sikat na TV personality, anong damage control ang gagawin ng TV network?
Ang daming madadamay at magiging masalimuot ito.
Kaya dapat sigurado sila sa ilalabas nilang listahan.
Pero ilalabas ba talaga?
Dinig ko kasi, may mga naglalakad na huwag na raw sana.
Kaya nasa pangulo na iyan.