JERRY OLEA: Nanghinayang si Direk Treb Monteras sa pagba-back out ni James Reid sa pagsasapelikula ng Pedro Penduko: The Legend Begins, na co-prod ng Viva Films at Epik Studios.
“Nag-rewrite po kasi kami ng script na bagay talaga kay James,” pag-amin ni Direk Treb nang maka-chat ko via Messenger nitong Hunyo 1, Sabado ng umaga.
“So all set na talaga kami to shoot with James. Kaya nakakahinayang, kasi maganda yung script. Matagal ginawa.”
Siyempre, naintindihan ni Direk Treb ang desisyon ni James dahil sa spinal injuries ng aktor.
In-offer kay Direk Treb ang pagdidirek ng Pinoy version ng Spellbound (2011 South Korean film) na pagbibidahan nina James at Nadine Lustre, pero hindi niya natanggap dahil may gagawin na siyang ibang movies sa Viva at ibang film company.
“Hopefully po matuloy kami ni James sa ibang project. May iniisip din po kasi akong gawin with him na iba,” sabi ni Direk Treb.
Wala pang replacement si James sa Pedro Penduko movie.
“Mahihirapan kaming makahanap ng kapalit. Pero matutuloy po iyan,” aniya pa.
Sa tingin ninyo, sino ang may “K” na pumalit kay James bilang millennial Pedro Penduko?
GORGY RULA: Bakit ganoon ang mga napiling gaganap na superhero?
Hindi pumuwede si Angel Locsin mag-Darna dahil may injury sa likod. Si Liza Soberano, may bali naman sa daliri.
Ngayong ibabalik si Pedro Penduko, may spinal injury si James.
Kailangan pa ba nating maglabas ng mga Pinoy superhero na pelikula?
Kung itutuloy ng Viva itong Pedro Penduko, ito na kaya ang bale bonggang launching movie ni Marco Gumabao?
Puwede rin si Carlo Aquino na isa sa mga paboritong aktor ng Viva!
NOEL FERRER: Meron din sanang isang magandang pelikula ang premyadong Respeto director na si Treb na pelikula with GMA Films originally intended for the MMFF, pero hindi raw aabot ang script. Sayang!
Basta, makakahanap pa rin ng tamang project, tamang tao at produksyon... sa tamang panahon.
