JERRY OLEA: Gaganapin ang Nominees’ Night ng 3rd EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) sa Hunyo 15, Sabado, 6:30 PM sa Annabel’s Restaurant, Tomas Morato Avenue, Quezon City.
Handog ito ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa pakikipagtulungan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Bibigyan dito ng pagkilala ang mga nominado sa pinaglalabanang 14 kategorya.
Patalbugan sa pagka-Best Actor sina Eddie Garcia (Rainbow’s Sunset), Piolo Pascual (Ang Panahon ng Halimaw), Carlo Aquino (Exes Baggage), Christian Bables (Signal Rock), Daniel Padilla (The Hows of Us), Dingdong Dantes (Sid & Aya), at Paolo Contis (Through Night & Day).
Pasiklaban bilang Best Actress sina Angelica Panganiban (Exes Baggage), Glaiza de Castro (Liway), Gloria Romero (Rainbow’s Sunset), Judy Ann Santos (Ang Dalawang Mrs. Reyes), Kathryn Bernardo (The Hows of Us), Nadine Lustre (Never Not Love You) at Sarah Geronimo (Miss Granny).
Personal na ipamamahagi ng mga opisyal ng SPEEd at ng FDCP, sa pangunguna ni Chairperson Liza Diño, ang certificates of nomination.
GORGY RULA: Hindi na inaasahang makakadalo pa si Eddie Garcia sa Nominees’ Night ng 3rd Eddys dahil nasa hospital pa siya.
Siya pa naman ang madalas na nauunang dumating at talagang tinatapos niya ang seremonya.
Ganoon siya ka-professional at nirerespeto niya ang seremonya na dinadaluhan niya.
Isang linggo lang ang nakalipas, nakasabay ko pa siyang dumating sa Resorts World Manila para daluhan ang 35th PMPC Star Awards for Movies.
Isa rin siya sa pinakahuling umalis dahil tinapos niya ang awarding at siya ang unang nilapitan ni Ogie Alcasid bago umakyat ang singer-songwriter para tanggapin ang kanyang Best Actor trophy.
Ipinapakita roon ng 90-anyos na si Manoy Eddie na malakas pa rin siya.
Pinaalis niya ang upuan sa stage nang isa siya sa pinarangalang Natatanging Bituin ng Siglo. Kay Gloria Romero na lang ipinagamit ang upuang iyon.
Sinabayan pa niya si Martin Nievera nang kinantahan silang awardees.
Kaya mami-miss siya sa Nomination’s Night ng Eddys dahil malabo na niyang mapuntahan pa ito.
Kahit okay na siya sa araw na iyon, mas mabuti pa ring magpahinga na lang muna siya.
NOEL FERRER: Si Tito Eddie rin sana ang magbibigay ng Natatanging Gawad Urian kay Tita Gloria Sevilla sa June 18 sa UP Film Center bilang pagkilala sa Cebuano Cinema in line with the Centennial Celebration ng Philippine Cinema.
Marahil, ipapahinga na lang ni Tito Eddie iyon.
Sinusubukan ang dating Urian awardee na si Pilar Pilapil ang humalili sa kanya.
Sayang, kasi contender din si Tito Eddie sa pagka-Best Actor sa Urian din.
Ang tanong lang ngayon ay bakit parang mga pagtutuwid ng mga naunang balita kahapon ang nailabas about Tito Eddie’s condition?
Wala bang bagong update about his medical condition?
At ang mga tanong: what happens now to the Kapuso series Rosang Agimat?
Ano ang accountability ng GMA-7 sa naganap na aksidente in the line of work?
Ano ang aksyon ng Actors’ Guild dito in connection with the working conditions of actors lalo na ang senior stars?
Patuloy pa rin nating ipagdarasal ang ating Industry Icon na puwede na ngang tawaging National Treasure, si Tito Eddie Garcia.
JERRY OLEA: Ang 3rd EDDYS ay gaganapin sa Hulyo 14 sa New Frontier Theater (dating KIA Theater).
Ang Cignal TV ang isa sa major sponsors/presenters ng 3rd EDDYS habang ang Echo Jham Entertainment ang hahawak sa production, sa pangunguna ng direktor na si Calvin Neria.
Mapapanood ang kabuuan ng awards night sa Colours Channel ng Cignal TV sa July 21.
Bibigyang-parangal sa ikatlong taon ng EDDYS ang 10 movie icons na sina Amalia Fuentes, Vilma Santos, Tirso Cruz III, Christopher de Leon, Joseph Estrada, Dante Rivero, Celia Rodriguez, Anita Linda, Lorna Tolentino, at Eddie Gutierrez.
Anim na special awards ang ipamimigay ng EDDYS: Joe Quirino Award, para sa TV-radio host-columnist na si Cristy Fermin; Manny Pichel Award para sa entertainment columnist/talent manager na si Ethel Ramos; Rising Producers’ Circle Award, para sa Spring Films at T-Rex Entertainment; Producer of the Year, para sa Star Cinema; Lifetime Achievement Award, para sa direktor na si Elwood Perez; at ang posthumous recognition para sa Comedy King na si Dolphy.