JERRY OLEA: Naka-P22.1M ang horror movie na Clarita sa unang apat na araw ng showing nito sa bansa.
Ang balitang iyan ay magandang birthday gift sa Sapi Queen na si Jodi Sta. Maria, na nagdiwang ng ika-37 kaarawan noong Hunyo 16, Linggo, Araw ng mga Ama.
Kasabay ng Clarita na nag-open sa local cinemas ang Men In Black: International.
Sa Hunyo 19, Miyerkules, na 158th birth anniversary ng ating pambansang bayani, ipapalabas ang pelikula nina Ai-Ai delas Alas at Bayani Agbayani na Feelennial (Feeling Millennial).
Katapat nito ang opening ng biographical musical film na Rocketman, na base sa buhay ni Elton John.
Sa Hunyo 20, Huwebes, magpapayanig ang computer-animated comedy na Toy Story 4, pati ang slasher film na Child’s Play.
Sa Hunyo 26 naman ang playdate ng Because I Love You nina David Licauco & Shaira Diaz, pati na ang KontrAdiksyon nina Jake Cuenca at Kris Bernal.
NOEL FERRER: Sana humataw pa sa takilya ang Clarita.
Kasi, medyo nakakakaba ang mga susunod na ipalalabas na mga pelikulang Pilipino sa box office.
Pagkatapos ng hindi kagandahang sinapit ng mga pelikula with other partners, makaka-jackpot na kaya sila sa pagtatambal nina Ai-Ai delas Alas at Bayani Agbayani?
Nakatulong ba ang pag-urong ng playdate ng Because I Love You?
At may chemistry kaya sina Jake at Kris, o sadyang contradiction lang ang paggawa nila ng pelikula?
Good luck! As in, good luck talaga!