NOEL FERRER: Sa pagtatapos ng 15th Virgin Lab Fest: Titibok-tibok, nagkaroon ng graduation at pagpapasalamat sa lahat ng mga tumulong sa successful na pagtatanghal ngayong taon.
At anu-ano ang tatlong dula na nanguna para maging kasama ng REVISITED (Set E) next year?
Heto na! Wanted: Male Boarders, Anak Ka Ng..., at Fangirl.
Masaya ako sa resulta kahit hindi nakapasok ang gusto ko ring A Family Reunion at Ang Pag-uulyanin ni Olivia Mendoza.
Mabuhay ang Teatrong Pilipino!
After magdiwang ng 15th year ang mga dula sa VLF, Cinemalaya naman ang susunod sa August.
Bukas, Hulyo 9, Martes, ihaharap sa press ang mga nasa official selection ng most prestigious indie filmfest ng bansa.
JERRY OLEA: Sa 12 bagong dula na tampok sa VLF 2019, pinakagusto ko ang Wanted: Male Boarders.
Nagpakabog ito nang bonggang-bongga sa aking puso at puson.
Tawa ako nang tawa sa mga kagaguhan at kabulastugan nina Lance Reblando, Ross Pesigan, AJ Sison, at Vincent Pajara.
Tagos sa kapirasong laman! Sagad sa butu-buto!
Ibang-iba ito sa lahat ng dulang napanood ko sa aking tanang buhay.
Pangalawa sa kinatuwaan ko ang Fangirl. Naaliw ako sa kahibangan ng tatlong hitad na ginampanan nina Mayen Estañero, Marj Lorico, at Mean Esoinosa.
Ang dalawang ito ay bet kong makasama sa Revisited.
Matapos kong mapanood ang unang pagtatanghal ng Wanted: Male Boarders noong Hunyo 20, Huwebes ng hapon, sa Tanghalang Aurelio Tolentino (CCP Little Theater), sinabihan ko si Ross Pesigan na dapat makasama sa “Revisited” next year ang kanilang palabas.
Hindi ko masyadong nagustuhan ang Anak Ka Ng..., na para sa akin ay derivative ng pelikulang Anak nina Vilma Santos at Claudine Barretto.
Ang pangatlong choice ko para sa Revisited ay ang madramang A Family Reunion.
May kabagalan ang first half ng dula pero iyong second half ay nagpaluha sa akin.
Tagisan ng akting ang mga beteranong artista sa Ang Pag-uulyanin ni Olivia Mendoza, at nakaw-eksena rito si Celeste Legaspi bilang Julia/Julio.
Pero mas gusto ko pa rin ang natural na natural na bitaw ng mga linya ni Sherry Lara sa Huling Hiling ni Darling.
Iyong ibang mga dula ay naburyong at nabugnot ako.
Nabuwisit ako sa mga kuda at hanash ng magdyowang bading sa Surrogare, habang ang babaeng karakter ay nakatunganga at mistula lamang na palamuti.
Hindi ko maarok kung ano ang wawa ng mga hinaing at himutok sa The Bride and The Bachelor. Nanghinayang ako sa kahusayan ni Alex Medina.
Iyong kuya sa The Unreachable Star ay hindi justified ang kabaklaan. Parang ang daming gustong sabihin ng istorya na sabog ang dating.
OK ang pagganap dito ng mga magulang, pero iyong magkapatid ay sana iba na lang ang nai-cast.
GORGY RULA: Iilan lang ang napanood ko sa VLF 2019, pero naaliw rin ako sa Wanted: Male Boarders dahil magagaling ang apat na bida, lalo na itong si Lance Reblando na parang ang hirap tapatan ang mga ginawa niya sa entablado.
Nakasabay naming nanood ang isang magaling ding bading na komedyante na hindi na gaanong umalagwa ang showbiz career.
Halos maihi-ihi na kami sa katatawa, pero itong si komedyante ay parang pangiti-ngiti lang.
Mataas ba ang standard niya sa pagpapatawa o medyo may takot factor na siya na puwede siyang talbugan nitong si Lance?