NOEL FERRER: Napakagandang karanasan ang mapabilang sa Batch 22 ng Ricky Lee Scriptwriting Worskhop.
Ginanap ang unang session nitong Linggo ng umaga, Hulyo 7.
Thirteen (13) Sundays thereafter pa ang workshop, from 10:00 AM to 6:00 PM.
Kasama sa sinasabing stellar Batch 22 namin ang mga artistang sina Candy Pangilinan, Vaness del Moral, Mikoy Morales, Fifth Solomon, at Bea Alonzo.
Kasama rin sa 32 participants from different sectors ang mga direktor na sina Sheron Dayoc, Nestor Abrogena, at Joselito Altarejos, pati na ang premyadong producers na sina Brad at Bianca Balbuena-Liew, at ang award winning journalist na si Chiara Zambrano.
Pinaghalong mga Kapamilya at Kapuso writers at industry workers, even those with corporate at technical backgrounds ay kasali sa batch namin.
Sobra kaming namangha nang dumating ang previous batches ng workshoppers (from Batch 14-21).
Malaking pasalamat namin sa kanila, lalo na ang Batch 21 na nag-subsidize ng aming workshop kits, pagkain, at iba pang logistical needs.
Ang Batch 21 ay kinabibilangan nina Agot Isidro, Cherie Gil, Pepe Diokno, James Mayo, Rae Red, Tara Illenberger, at Lillit Reyes na ang sabi, “Sabihin ninyo sa mga ka-affair ninyo na NOT ON A SUNDAY.”
Grabe ang disiplina at sakripisyo na ibibigay ng participants para sa isang workshop na pinanggalingan ng pinakahinahangaan at iginagalang na mga pangalan ngayon sa industriya.
Maraming salamat sa ganitong mga consistent at patuloy na magandang proyekto ni Ricky Lee.
GORGY: Nakita ko ang social media posts ng first day at mukhang masaya ang komunidad na nabuo ni Ricky Lee.
Napansin ko lang na magkasama at magkatabi ang isang direktor at isang aktor sa ibang pictures.
Hindi kaya yung kasamang aktor na ang gawing bida sa susunod na pelikula ni Direk?
Paano na ang paboritong signature aktor ni Direk? Hindi kaya mag-Gelli de Belen?
First day pa lang iyan ng workshop. Anything can happen. Exciting ang batch na ito!
JERRY OLEA: Nainterbyu ko noon si Ricky Lee kaugnay sa pagtanggi niya ng award para sa Olongapo... The Great American Dream na official entry sa MMFF 1987.
Makabuluhan ang aming panayam, at nalathala ang interbyu sa magasing Jingle Extra Hot, kung saan ilang taon din akong naging editor.
Nakiusap ako noon kay Ricky Lee kung puwede akong lumahok sa kanyang scriptwriting workshop.
Agad siyang pumayag. Sa kaabalahan ko ay hindi ko iyon nagawa.
Mahigit tatlong dekada na ang lumipad pero hindi ko malimot ang kanyang kabaitan.
Matulungin siya. Hindi maramot.
At kayraming magaganda at makabuluhang pelikula na siya ang sumulat.
Silang tatlo nina Eddie Garcia at Direk Maryo J. de los Reyes ang paulit-ulit kong inihahayag at idinadalangin na sana’y kilalanin bilang mga Pambansang Alagad ng Sining!