JERRY OLEA: Ayaw ngumiti ni Ms. Angie Ferro nang makipag-selfie ako sa kanya sa pa-presscon ng Film Development Council of the Philippines para sa 3rd Pista ng Pelikulang Pilipino noong Hulyo 11, Huwebes, sa Sequoia Hotel, Quezon City.
"Hindi ako puwedeng tumawa. Nabungi ako," katwiran ng 81 anyos na aktres, na bida sa PPP 2019 official entry na Lola Igna. Sa pagkakatanda ni Ms. Angie, ang mga huling pelikulang ginawa niya ay Birdshot (2017), na idinirek ni Mikhail Red, at Moonlight Over Baler (2017), na idinirek ni Gil Portes+.
Hirap nang lumakad si Ms. Angie pero itinanggi niyang sakitin siya. Natapos niya nang maluwalhati ang Lola Igna, kung saan co-stars niya sina Yves Flores, Meryll Soriano at Ma. Isabel Lopez, sa direksyon ni Eduardo Roy Jr.
"Oo naman. Strong naman ako, ba't ayaw nila akong kunin? Naiinis ako sa mga direktor!" himutok ng beteranang aktres.
"Ayaw akong bigyan ng trabaho, e, yun lang ang trabaho ko bilang aktres."
Sa edad niyang 81, nahirapan ba siya sa pagganap ng title role na Lola Igna?
"Hindi. Hindi," mabilis na tugon ni Ms. Angie. "I enjoyed! Buhay na buhay ako pag umaarte ako!"
Sana, mabigyan siya ng TV work. Puwede kaya siya sa FPJ’s Ang Probinsyano?
"Sabi nila...'tapos, pag walang trabaho, 'Kawawa naman. Pupuntahan natin.' Pero, leche, hindi ko kailangan ng limos! Kailangan ko, trabaho!" pagdidiin ni Ms. Angie.
Baka kasi may mga demand siya at maagang nagpapa-cut off kaya hindi na siya kinukuha?
"Alam mo, huwag silang magsasabi ng demand!" bulalas ni Ms. Angie. "They should recognize that when a senior citizen is an actress, sila ang dapat six hours lang. Huwag silang...Tamo, namatay na lahat ng tao sa atake sa puso, sobra-sobra! Huwag gano'n!"
Anong reaksiyon niya sa nangyari kay Eddie Garcia noong Hunyo 8, sa taping ng Rosang Agimat sa Tondo, Manila?
"T*ng ina! They should... clear. Matanda na yung tao! Fighting... sino ba ang direktor no'n?! Leche siya!
"Responsibility ninyo, clear the area! E, matanda na yung tao! The acting area should always be safe!"
Safe ba siya nang mag-shooting ng Lola Igna?
"Oo naman!" mabilis na tugon ni Ms. Angie. "Ay, naku! Kami-kami lang! Kokonti! May sarili kaming bahay!"
Siyanga pala, ngayong Hulyo 20, Sabado, ang unang monthsary ng pagpanaw ni Eddie Garcia.
NOEL FERRER: Habang naghihintay pa rin ang mga tao sa kinahinatnan ng imbestigasyon ng GMA-7 at iyung sa DOLE (Department of Labor and Employment), mukhang may bago nang assignments ang mga artistang nasa naunang teleseryeng Rosang Agimat.
Ang title role sa Rosang Agimat na si Gabbi Garcia ay kasali sa teleseryeng Beautiful Justice, na nagtatampok din kina Yasmien Kurdi, Bea Binene, Derrick Monasterio, Valeen Montenegro, Bing Loyzaga, at Victor Neri, sa direksiyon ni Mark Reyes.
Maging ang direktor ng Rosang Agimat na si Toto Natividad ay gumagawa na ng bagong pelikula. Kailangan lang sigurong lagyan ng closure iyung unfortunate na nangyari kay Tito Eddie at dapat may kaukulang aksiyon tayong makikita (for the greater good) para hindi masabing the icon died in vain.
GORGY RULA: Iyon ang pangako sa mga artista ng Rosang Agimat noong pinulong sila. Bibigyan sila ng ibang programa dahil hindi na muna itutuloy ang drama series na kinamatayan ni Manoy Eddie.
Pagdating naman sa closure sa kaso ni Manoy Eddie, isang buwan pa lang ang nakalipas sa pagpanaw ng iginagalang na aktor, kaya nasa healing process pa rin ang pamilya. Hinihintay pa na maging handa ang pamilya niya para ilabas nila ang resulta ng imbestigasyon. Maaring sila na rin ang magbibigay ng statement kaugnay sa isinagawang imbestigasyon ng GMA-7.
Pero hindi pa rin matapus-tapos ang kuwento tungkol sa propesyonalismo ni Manoy Eddie. Naibahagi sa amin ni Tonton Gutierrez na talagang bilib siya sa energy ni Manoy Eddie. Kung hindi nangyari ang aksidente sa Rosang Agimat, magti-taping na sana sila.
Pinaghahandaan na ni Tonton ang sarili dahil mismong ang beteranong aktor ang nagsa-suggest ng mga dagdag pang eksena. Kahit pa-pack up na sila, tsini-check pa raw ni Manoy Eddie na meron pang ilang sequence na puwede pang kunan.
Kaya nahihiya na raw tuloy ang mga mas batang aktor na magpa-pack up dahil gusto pa raw ni Manoy Eddie na tuluy-tuloy pa ang taping. Ito ang isa sa nami-miss nila kay Manoy Eddie.