GORGY RULA: Iba raw ang excitement kapag sa Cinemalaya pinapanood ang pelikula mo.
Yan ang naramdaman ni Dennis Trillo na bida sa pelikulang Mina-Anud, ang closing film ng Cinemalaya 2019 na ipinalabas sa Tanghalang Nicanor Abelardo ng Cultural Center of the Philippines kagabi, August 10.
“Iba ang pakiramdam e, kasi ang mga manonood, lahat sila excited.
“Habang pinapanood mo yung movie, naririnig mo yung reaksyon ng mga tao. So, bilang artista at entertainer, parang reward yun para sa amin,” pahayag ni Dennis.
Sa totoo lang, naisipan na rin daw niyang magdirek ng isang pelikula na puwedeng isali sa Cinemalaya kagaya ng ginawa ni Xian Lim.
“Ang directing, matagal ko na siyang pinag-aaralan. Matagal na akong nagsi-self study, pero… eventually, baka pagkatapos ko magtrabaho sa harap ng camera, baka sa likod naman ako,” pahayag ng Kapuso Drama King.
Kasama ni Dennis sa Mina-Anud sina Jerald Napoles, Matteo Guidicelli, Mara Lopez, Lou Veloso, Anthony Falcon at marami pa.
Kapansin-pansin lang na tila hindi nakipag-cooperate si Matteo sa promo ng pelikulang ito.
Wala siya sa mediacon at hindi rin siya sumipot sa world premiere ng pelikulang ito sa CCP.
Siya pa naman ang pinaka-yummilicious sa pelikulang ito, at ibang-iba sa karakter niya ang role niya rito.
Sa August 21 ang commercial run nito, at magkakaroon ng isa pang premiere screening bago ang showing.
Darating kaya si Matteo?
JERRY OLEA: Busy si Matteo Guidicelli. May prior commitment kaya waley sa CCP screening ng Mina-Anud, kung saan “special participation” lang siya.
Sa billing, magkahilera sa itaas at magkasinlaki ang mga pangalan nina Dennis Trillo at Jerald Napoles.
Nasa second row ang pangalan ni Matteo, na mas maliit.
Mas maliit din ang litrato ni Matteo sa poster.
Ang importante, andiyan sa CCP screening ang bidang si Dennis.
NOEL FERRER: Ang unang Cinemalaya movie ni Dennis Trillo, ang Astig, ay pinamahalaan ko, at nanalo ito ng awards.
Hindi ako nahirapan kay Dennis and he is such a joy to work with.
Nakatulong din na gusto niya ang materyal ng pelikula, at kung mabibigyan ng pagkakataon, sana ay makagawa pa ulit si Dennis ng pelikula para sa Cinemalaya hindi lang bilang aktor kundi bilang direktor at producer din.
As for Matteo, nasaan nga kaya siya?