JERRY OLEA: Hindi takot sa multo ang 16 anyos na si Andrea Brillantes, na bida sa horror movie na The Ghosting.
Ano ang kinatatakutan niya?
“Mawalan ng trabaho,” seryosong sambit ni Andrea sa mediacon ng The Ghosting nitong nakaraang Biyernes ng gabi, Agosto 16, Alta by Relik, sa Santolan Town Plaza, San Juan City.
“Yung trabaho ko po. Iyon po ang pinakakinatatakutan ko. Biggest blessing pero sobrang nakakatakot din.
“Kasi, super-fragile yung trabaho ko, e. Kahit anong hirap gawin mo, kapag nagkamali ka o nadapa ka lang, ambilis mawala agad.
“E, natatakot akong mawalan ng trabaho, kasi ito lang yung ginusto ko, buong buhay ko, ever since I was three years old.
“And since bilang breadwinner, nakakatakot mawalan ng trabaho. So, iyon talaga ang pinakakinatatakutan ko.
“Pero kung takot man ako sa isang bagay... wala. Inis ako sa ant. Iyon lang. Hihihihi! Annoyed ako sa ants. Yun lang! Kinakairitahan. Yun lang po.”
Sa Agosto 28 nakatakdang ipalabas ang The Ghosting. Co-star dito ni Andrea si Khalil Ramos.
GORGY RULA: Nakaramdam ako ng slight na kirot sa mga sinabi niyang iyun na sa napakamurang edad niyang 16 anyos, yun na ang concern niya.
Sinabi ko nga sa kanya na napakabata pa niya para pagdaanan iyan at nag-iisip ng ganoong bagay.
Sa edad niya, dapat naglalaro pa siya at mas iniisip muna niya ang sarili. Pero mas priority niya ang pagtrabaho dahil balak na niyang magpatayo ng bahay.
Parang hindi pa niya nae-enjoy ang childhood niya.
Tugon naman ni Andrea, “Nagkaroon naman ako ng life nung hindi pa ako artista and mga 7 years yun, kasi nag-start pa lang akong mag-artista mga 7 na ako.
“Choice ko naman po ito, e.
“Dati, nagsisisi ako kasi bata pa ako. Ang naiisip ko na ang pagiging artista, madali lang.
"Sisikat ka, dami kang fans, mabibili mo lahat ng gusto mo, yun lang at yun ang naisip ko. Pero ngayon, ang dami pa pala.
“Ang hirap maging artista. Ang dami kong natutunan, ang dami ring pinagdaanan na sobrang hirap, yun ang hindi ko naisip kaya sana, nasabihan ko ang dating ako.
“Na-enjoy ko naman yung childhood ko. Nagkaroon naman ako ng konting childhood. Nagkaroon ako ng mga moments na naglalaro ako sa kalye, bibili ako ng mga streetfood.
“Nag-regular school naman ako, nag-stop ako mag-regular school ako nung high school ako. Dun po ako nag-home school.
“Ito po yung pinili ko, e. Ito po yung ginusto ko talaga, ito lang din yung alam kung gawin, ito rin yung passion ko.
“Ito rin yung home ko, and masaya naman po ako sa kung ano man meron ako ngayon.”
NOEL FERRER: It seems that Andrea Brilliantes will survive. Kasi alam niya ang value ng hard work at trabaho.
Sana huwag muna siyang ma-defocus at ma-distract sa makamundong side ng kasibulan, dahil sayang naman ang career, di ba?