JERRY OLEA
Ikinakasa na ang bagong teleserye nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa ilalim ng Dreamscape unit ng ABS-CBN.
Ini-reveal ito ni Kathryn sa thanksgiving party niya kasama ang pamilya, mga kaibigan, at fans nitong Setyembre 22, Linggo, sa Tivoli Royale Country Club.

“Next year, babalik na kami. Excited kami!” masayang kuwento ni Kathryn.
Tuwang-tuwa siyempre ang KathNiel fans, at malakas ang hiyawan.
Pagpapatuloy ni Kathryn, “Magkakateleserye tayo next year, so, ahhmm... Gagandahan natin ito, promise!
“So, konting-konting hintay na lang.
"Iyong iba sa inyo, sabi, ‘Bakit antagal?’ Pero... wait lang!
“Wait lang. Kinailangan itong time na ito para makapag-recharge, at full blast na kami pagbalik.
“Para reding-ready tayo. So, sana, makapaghintay po kayong lahat.
"Gagandahan po namin, so next year will be a good year for KathNiel. Mag-ready po tayong lahat.
“Also, may isa pa akong good news para sa inyo, pero hindi ko muna siya ia-announce.
"May surprise kami ni DJ sa inyo, maybe next month.
“Basta... my God! Excited ako! Malalaman din ninyo iyon!”

Ibinalita rin ni Kathryn na mag-o-open ang Barbero Blues barbershop sa Oktubre, na dalawa agad ang sangay—isa sa SM North EDSA, at isa sa SM Fairview.
Lahad ni Kathryn, “Ito ang first ever business namin ni DJ together! Pinuntahan na namin siya kahapon...
“Kailangan namin kayo roon... napaka-special nito para sa amin.
"Lalo si DJ, siya ang nag-interior design."
Magbabakasyon sina Kathryn at Daniel nang dalawang linggo sa Iceland kasama ang ilang malalapit na kaibigan.
Kapagkuwan ay may mga shoot si Kathryn sa iba’t ibang bansa, at mag-a-ASAP sila ni Daniel.

GORGY RULA
Bukod sa teleseryeng gagawin nila, may inaayos na rin daw na pelikula para sa kanilang dalawa.
Kaya mukhang mas busy at mas maganda ang takbo ng career nilang dalawa next year kesa ngayong taon.
Pero totoo bang may isa pang gagawing pelikula si Daniel na hindi si Kathryn ang ka-partner? Sino kaya ang babagay?
At totoo rin bang sina Daniel at Kathryn na raw ngayon ang highest-paid stars ng ABS-CBN?
Sila naman ang pinaka-bankable stars sa ngayon, kaya deserved nila iyan.
JERRY OLEA
Nagpasalamat si Kathryn sa suporta ng fans sa pelikula nila ni Alden Richards na Hello, Love, Goodbye.
Aniya, sana’y suportahan din ng KathNiel fans ang upcoming project ni Daniel na iba ang ka-partner nito.
“After my project, si DJ naman. Ahmm, I’m asking everyone na it’s DJ’s time,” pahayag ni Kathryn.
“Kung ano ang ibinigay ninyong suporta sa akin, iyon ang ibigay natin sa kanya.
“Sa akin din, siyempre maninibago ako.
"Pero kung sino man ang magiging leading lady niya, kung sino man iyong makaka-partner niya, isipin niyo na lang, doon lang naman iyon.
“Alam naman natin kung ano ang totoo.”
Naghiyawan at nagpalakpakan ang fans.

Pagpapatuloy ni Kathryn, “Gusto ko, kung ano iyong ipinakita ninyo sa akin, sana maramdaman din iyon ni DJ.
"Kasi, noong ipina-feel ninyo iyon sa akin, grabe! Ang saya ko!
“So, tulung-tulong din tayo for DJ’s project.”
NOEL FERRER
Go, KathNiel!
Sila pa rin ang may enduring na following na tinatangkilik ng masa, either individually or magkasama.
In fairness to them, they have taken risks in their respective projects na lahat ay nagpe-pay off.
Well-deserved successes indeed! Congratulations!!!
