NOEL FERRER
Ako ang huling naka-tour sa Mowelfund Fillm Museum nitong Setyembre 26, Huwebes.
Ngayong Setyembre 27, Biyernes, mag-iimpake na sila bilang paghahanda sa paglipat nila sa ibang building, at ang ibang museum pieces ay ilalagak na sa QCX sa Quezon City Circle.
Ang nakakalungkot diyan ay ang pagkawala na ng Paradise of Stars na pinangunahan ni Kuya Germs.
Nataon na noong nandoon ako ay may Film Academy of the Philippines meeting.
Sa pangunguna ng mahusay na presidente ng DGPI na si Paolo Villaluna, napag-usapan ang posibleng shake-up at pagbabago ng liderato ng mga guild para mas attuned ito sa mga isyung konektado sa craft nila bilang film artists.
In fairness ay bukas dito ang liderato ng FAP, sa pangunguna nina Leo Martinez at Tita Boots Anson-Rodrigo.
Pag-aaralan lang nila ang legalidad ng pagre-resign ng lahat at pagsisimula muli na clean slate.
Exciting times ito sa mga kasamahan natin sa industriya.
Sana, may mga bago at batang active leader na mag-emerge.
JERRY OLEA
Shake up ng liderato ng mga guild?
Baka mag-shake, rattle & roll ang Actors Guild na pinamumunuan ni Imelda Papin!
Magdidiwang pa naman si Vice Governor Imelda Papin ng 45th anniversary niya sa showbiz sa pamamagitan ng concert na Queen @ 45.
Nakatakda ito sa Oktubre 26, Sabado, 6 P.M. sa Philippine Arena sa Bulacan.
Kabilang sa special guests niya (in alphabetical order) sina Andrew E, April Boy Regino, Claire de la Fuente, Darius Razon, Eva Eugenio, Jovit Baldivino, Marco Sison, Pilita Corrales, Sonny Parsons & Hagibis Band, at Victor Wood.
Opo! Panauhin sa concert ng Asia’s Sentimental Songstress ang mga kapwa niya Jukebox Queen, na binansagan din ng namayapang Rico J. Queen bilang "Formalin Beauties."
Tampok din sa concert sina L.A. Santos, Maffi Papin, Gloria Papin, Aileen Papin, at Garry Cruz, plus surprise guests.
Sa dami ng guests na iyan, anong oras kaya matatapos ang concert?
At any rate, aabangan ko kung magre-resign si La Papin bilang lider ng Actors Guild, at kung sino ang handang pumalit sa kanya.
GORGY RULA
Nakakalungkot ngang mawawala na ang Mowelfund Plaza sa lugar na yun.
Ang dami na nating mga magagaling na direktor na nagsimula at nag-aral doon.
Sana, lalo pa nilang sikaping mapasigla ang Mowelfund kahit naiba na ng lugar at wala na yung malaki at magandang lugar na idinonate noon ni dating Pangulo at Manila Joseph Estrada.
Sana, merong mas malaki at mga maimpluwensiyang artistang mamuno sa KAPPT.
Ang inaasahan sanang mamuno, maging active na mabuo muli at maging solid ang KAPPT ay si Coco Martin.
Siya ang nagbibigay ng pagkakataong makatrabaho uli ang mga maliliit na artista, kagaya ni Amay Bisaya na nagkakainteres pa noon sa puwesto ni Madam Imelda Papin.
Pagdating sa anniversary concert ni Imelda, maniniwala ako sa title ng show niyang Queen @ 45 kung mapupuno niya ang Philippine Arena.
Maganda ang line-up ng guests dahil naipon niya ang mga namayagpag sa jukebox noong araw.