JERRY OLEA
Inihayag ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang powerhouse line-up ng bansa para sa Busan International Film Festival (BIFF) 2019 na gaganapin sa Oktubre 3 hanggang Oktubre 12 sa South Korea.
Para sa kategoryang “Icons,” ipalalabas ang Ang Hupa ni Lav Diaz at rarampa ang isa sa mga artista nito na si Joel Saracho.
Magwo-world premiere naman ang Mindanao kung saan rarampa ang mga bidang sina Judy Ann Santos at Allen Dizon.
As of yesterday, ang direktor ng Mindanao na si Brillante Mendoza ay wala pang visa.
Hindi agad nakapag-apply ng visa si Direk Brillante dahil nanggaling pa ito sa Fukuoka film fest.
Kasama ni Juday sa Busan ang mister na si Ryan Agoncillo. First time ito ni Juday na rumampa sa red carpet ng isang international film fest.

Para sa section na “A Window On Asian Cinema,” tampok ang Lingua Franca na isinulat, in-edit, idinirek, at pinagbidahan ni Isabel Sandoval.
Ganoon din ang Verdict, na idinirek ni Raymund Ribay Gutiererez at pinagbibidahan nina Max Eigenmann at namayapang Kristofer King.
Itong Verdict ang aspiring entry natin para sa best foreign-language category ng 92nd Academy Awards (Oscars) na gaganapin sa Pebrero 9, 2020 sa Dolby Theater ng Hollywood, Los Angeles, California.
Iprinodyus ito ni Direk Brillante Mendoza para sa kanyang Centerstage Productions.
Sa “New Currents” category, mag-i-international premiere ang Cinemalaya 2019 best picture na John Denver Trending.
Dadalo roon ang direktor na si Arden Rod Condez, kasama si Meryll Soriano at ang Cinemalaya 2019 best actor na si Jansen Magpusao.
Two weeks na absent si Jansen sa school sa Pandan, Antique para maka-attend sa BIFF. First time niyang mag-abroad.

Para sa “Wide Angle (Asian Short Film Competition),” lalaban ang Basurero ni Eileen Cabiling.
Magbu-Busan ang bidang si Jericho Rosales na kasama ang wife na si Kim Jones, pati co-star na si Soliman Cruz.
Nitong Setyembre 30, Lunes, sa Max’s Scout Tuason Street, Quezon City, ginanap ang pag-anunsiyo ng FDCP sa mga pambato ng bansa para sa BIFF.
GORGY RULA
Noong nakaraang Sine Sandaan ay ipinaliwanag ni FDCP Chairperson Liza Diño kung para saan iyong PHP50M na budget na ibinigay sa kanila.
Hindi raw yun para sa Sine Sandaan kundi sa ibang projects ng FDCP.
Dito na kaya sa Busan International Film Festival ang isa sa pagkakagamitan nitong PHP50M?
Kahit hindi pa rin ganoon kaganda ang box-office performance ng mga pelikula natin, sana ay huwag mapanghinaan ng loob ang filmmakers natin sa paggawa ng mga magaganda at kakaibang pelikula dahil napapansin naman sa iba’t ibang international film fest.
May iba pa ring platform na puwedeng paggamitan kaya tuluy-tuloy lang.
Pero teka nga pala! October na. Magiging Biyernes na ba ang opening day ng mga pelikula natin?
NOEL FERRER
Good luck sa John Denver Trending na siyang film in competition natin sa Busan International Film Festival. May they take home the prize!
At sa ibang pelikulang Pinoy na ipalalabas doon, salamat sa karangalan na itatayo ninyo ang bandera ng Pilipinas para maipagmalaki sa larangan ng world cinema.
Excited ako lalo na kay Judy Ann Santos na sasamahan ni Ryan Agoncillo sa red-carpet premiere ng pelikulang Mindanao ni Brillante Mendoza.
