JERRY OLEA
Rumampa si Direk Brillante Mendoza at ang mga artista niya sa pelikulang Mindanao na sina Judy Ann Santos, Allen Dizon, at Vince Rillon sa opening ng 24th Busan International Film Festival nitong Oktubre 3, Huwebes, sa South Korea.
Kasama sa entourage ng Mindanao ang mister ni Juday na si Ryan Agoncillo, ang misis ni Allen na si Crystle Dizon, at ang line producer ng movie na si Dennis Evangelista.
Birthday ni Allen noong araw na iyon!
Napanood ni Dennis sa TV sa Busan ang pagrampa ng Team Mindanao sa red carpet opening ceremony.
Oktubre 5, Biyernes, nakibahagi sina Direk Brillante, Juday, Allen, at Vince sa outdoor greeting event sa BIFF Hall.
Kamsahamnida sa Korean fans!
World premiere ng pelikulang Mindanao ngayong Oktubre 5, Sabado, 4:30 P.M. sa BIFF.
For exhibition lang ito, dahil kabilang si Direk Brillante sa Icons category ng filmfest, along with Lav Diaz (na palabas ang pelikulang Ang Hupa).
“Ang Busan, para sa akin, siya ang Cannes ng Asia,” pahayag ni Direk Brillante nang mainterbyu namin noong Setyembre 30, Lunes, sa Greenbelt My Cinema, Makati City.
“So, ibig sabihin, it’s the biggest [international filmfest] now in Asia.
"Hindi lang festival-goers ang nagpupunta roon. Marami nang nagpupuntang distributors, producers, directors, celebrities.
“Kasi, malaking festival na ang Busan. Na-establish na ang status niya bilang isa sa mga A-list na film festival sa buong mundo.
“So, iyon ang maganda sa Busan. At saka, kumbaga, focused siya more on Asian films.”
Palabas din sa Busan filmfest ang pelikulang Verdict na aspiring entry ng Pilipinas sa 92nd Academy Awards (Oscars).
Iprinodyus ito ni Direk Brillante para sa kanyang Center Stage Productions, at dinirek ng protégé niyang si Raymund Ribay Gutierrez.
Bida sa Verdict sina Max Eigenmann at Kristofer King (RIP).
GORGY RULA
Sayang at hindi na makakadalo si Judy Ann sa screening ng Mindanao na naka-schedule ngayong araw (Oktubre 5) at bukas (Oktubre 6).
Bumalik na sila ng Maynila ni Ryan kagabi, Oktubre 4, pagkatapos niyang daluhan ang meet-and-greet na dinagsa rin ng mga kababayan natin doon, pati ang mga Koreano.
Pagkatapos niyang rumampa sa red-carpet opening ceremony, sinabi ni Juday sa kanyang vlog na kakaibang experience ito sa kanya, lalo na’t first time niyang sumali sa isang international film festival.
“I am so happy na nakasama namin kanina sina Meryll [Soriano] ng John Denver Trending. Nakilala namin si John Denver.
“Nakaka-proud na ang talent ng mga Pilipino ay nakikilala ng ibang bansa.
"This is my first time, and I am so happy na na-experience ko siya nang kaya ko pang mag-heels ng 4 inches.
"Kaya ko pang mag-corsette ng buong gabi. Nakakaya ko pa."
May ilan pang international film festival na sasalihan ng Mindanao, at nakakapanghinayang dahil hindi na raw ito kayang daluhan ni Juday, dahil hindi na kakayanin ng schedules niya.
Nilinaw rin ng production staff ng Mindanao na aware ang Executive Committee ng Metro Manila Film Festival 2019 sa mga sasalihan nilang international filmfests.
Okay lang daw sa kanila as long as hindi pa mapapanood dito sa atin.
NOEL FERRER
Nasa Busan filmfest din ang kaklase naming sina Bradley at Bianca Balbuena-Liew para sa pelikulang Motel Acacia, tampok sina JC Santos, Agot Isidro, at ilang pang international stars.
Pero ang inaabangan ng lahat ay kung may mapapanalunang award ang Cinemalaya Best Picture na John Denver Trending as represented by its leads stars Jansen Magpusao and Meryll Soriano, its director Arden Rod Cortez, at ang magkaibigang producers na sina Sonny Calvento at kaklase kong si Sheron Dayoc.
Good luck sa Team Pilipinas!
JERRY OLEA
Ipapalabas din ang Mindanao sa 32nd Tokyo International Film Festival (Oktubre 28-Nobyembre 5, 2019) sa Japan, pero hindi makakadalo roon si Juday dahil may prior commitment ito na book signing & cooking demo sa Nobyembre 4-6 sa Dubai, UAE.
Aspiring entry sa 45th Metro Manila Film Festival ang Mindanao.
Sa Oktubre 16 pa natin malalaman kung kasama ang Mindanao sa Final 4 official entries ng MMFF 2019.