Jerry Olea
Swabe ang performance ng ABS-CBN Chamber Orchestra sa unang araw ng 2nd Pinoy Playlist Music Festival (PPMF) nitong Oktubre 11, Biyernes, 7:00-7:45 p.m. sa Globe Auditorium ng BGC Arts Center, Taguig City.
Dalawang set ng quintet ang nagtanghal, na pinasimulan ng "Kayganda ng Ating Musika" (1978, musika at titik ng isa sa festival curators na si Maestro Ryan Cayabyab, National Artist for Music).
Most applauded number nila ang "Dahil Sa ‘Yo."
Kasabay nila sa mga unang nag-perform sa PPMF 2019 ang Nancy Brew sa Zobel de Ayala Recital Hall (wala pang 100 ang seating capacity) at The Moonshine/Monolog sa Sun Life Ampitheater (outdoor).
Hindi na muna kami umalis sa puwesto namin sa Globe Auditorium.
"Kayganda ng Ating Musika" rin ang pambungad na bilang ng Mandaluyong Children’s Choir (8:00-8:45 p.m.).
Maluha-luha kami sa renditions nila ng Eraserheads hits na "Toyang," "Pare Ko," at "Ligaya," plus "Overdrive" and "With A Smile."
Siyempre pa, rated GP (General Patronage) ang bersiyon nila ng "Pare Ko."
Pasiklab ang 4th Impact (9:00-9:45 p.m.). More and more ang kanilang mga hanash— ang pagsali nila sa 12th series ng The X Factor (British TV series), ang pagpalit-palit nila ng pangalan, at ang pag-idolo nila kina Sarah Geronimo at Miss Charice aka Jake Zyrus. Bigay na bigay ang kanilang paghataw at bumaba pa sila ng stage. Ang lakas ng impact ng harmonious interpretations nila sa "Anak" at "Buwan."
Anila, itong "Anak" ang OPM anthem, at kinabisa nila ang Korean translation nito.
Napakarubdob ng banat at birit nila sa "Buwan," at sabi nila, “Ang galing talaga ng kumanta nito!”
Siyempre pa, pinakamaraming tao sa collab ni Martin Nievera (10:00-10:45 p.m.) with his better half, composer Louie Ocampo. The Concert King was in his best element. Napaka-witty!
Kuhang-kuha ang kiliti ng audience, lalo pa’t right there and then ay gumawa sila ni Louie ng kanta para magkasintahang Bea and Enrique, whose nickname is Iking, na ikakasal next month.
Inusisa niya ang dalawa tungkol sa basic information sa kanilang romansa at hayun, nakabuo sina Martin and Louie ng awit para kina Iking and Queen Bea.
Bumaba rin si Martin sa entablado at kilig na kilig ang mga tao sa kanyang mga paandar. Bentang-benta!
Humahagod sa puso ang “happy” songs niyang "Ikaw Lang Ang Mamahalin," "Kahit Isang Saglit" at "Ikaw."
Sama-sama ang tatlong festival curators na sina Maestro Ryan Cayabyab, Moy Ortiz, at ka-Troikang Noel Ferrer sa pagkakaloob ng plaque of appreciation kina Martin at Louie.
Impromptu, bilang bonus ay umawit si Martin habang nagpi-piano si Mr C... The National Artist and The National Disaster.
Bravo, Martin! Mabuhay ang Musikang Pilipino!
NOEL FERRER
As always, hindi ka mahihirapang imbitahin si Martin Nievera sa ganitong pagtitipon para sa ating industriya, ang Pinoy Playlist music fest.
Sabi ni Martin, for next year, gusto niyang makasama ang isang banda at ang kanyang anak na si Robin para sa susunod na Pinoy Playlist!
Marami pang kaabang-abang na acts sa BGC Arts Center sa dalawang weekends ng Pinoy Playlist na kasisimula pa lang kagabi, October 11.
Sayang at hindi natuloy ang nauna nang nag-confirm na si Gary Valenciano.
Kasi, pati si Ogie Alcasid ay nag-confirm din na gawin ang In Memoriam tributes sa October 20 sa Pinoy Playlist sa BGC Arts Center, at ang nakatoka sa kanya ay ang idol niyang si Rico J Puno!
Kaabang-abang talaga!!! Heto na, isa pang scoop, sana, matuloy ang plano nina Martin, Gary, at Ogie na magsama-sama sa isang major concert soon!!!
Ang working title: OMG!!! Ogie. Martin. Gary.
JERRY OLEA
Ngayong Oktubre 12, Sabado, ang 2nd night ng PPMF 2019 sa tatlong venue ng BGC Arts Center.
Magtatanghal tonight sa Globe Auditorium ang Ryan Cayabyab Singers (5:00-5:45 p.m.), Fe de los Reyes (6:00-6:45 p.m.), Mel Villena’s AMP Big Band with Mitch Valdes (7:00-7:45 p.m.), Bugoy Drilon & Daryl Ong (8:00-8:45 p.m.), Gerphil Flores (9:00-9:45 p.m.), at Rony’s Company Call: OPM Movies & Musicals (10:00-11:45 p.m.).
Magpapaandar sa Zobel de Ayala Recital Hall sina Jorik Katalbas (5:00-5:45 p.m.), GMA Artists: Princess Velasco, Golden Canedo, Jong Madaliday, Garrett Bolden, and Ken Chan (6:00-6:45 p.m.), John Lesaca (7:00-7:45 p.m.), Top Suzara (8:00-8:45 p.m.), Baihana (9:00-9:45 p.m.), Anna Fegi (10:00-10:45 p.m., at Nanette Inventor: Obscure OPM Playlist (11:00-11:45 p.m.).
Magpapasiklab sa SUN LIFE AMPITHEATER ang Brown Academy (5:00-5:45 p.m.), Banda 31 Original of Sta. Maria, Bulacan (6:00-6:45 p.m.), Tarsius (7:00-7:45 p.m.), Rannie Raymundo with Simcha (8:00-8:45 p.m.), at Mojofly (9:00-9:45 p.m.).