JERRY OLEA
Ligwak sa 42nd Metro Manila Film Festival (MMFF) noong 2016 ang action-comedy na The Super Parental Guardians nina Vice Ganda at Coco Martin.
Ito iyong taon ng mga indie sa MMFF, kung saan panalo sa takilya nationwide ang Vince & Kath & James, pero sa Metro Manila ay Die Beautiful ang umarangkada sa box office.
Sa Die Beautiful, best friends ang mga bading na sina Trisha (Paolo Ballesteros) at Barbs (Christian Bables). Nategi si Trisha.
Nakaapat na awards ito sa MMFF 2016—best actor (Paolo), best supporting actor (Christian), best float, at audience choice ang pelikula.
Sa 43rd MMFF noong 2017, nagmaganda sa takilya ang Gandarrapido: The Revenger Squad nina Vice Ganda, Daniel Padilla, at Pia Wurtzbach.
Eksenadora si Awra Briguela sa Ang Panday.
Kalahok din ang Deadma Walking, kung saan best friends ang mga bading na sina John (Joross Gamboa) at Mark (Edgar Allan Guzman). May kanser si John, pero naunang namatay si Mark.
Best supporting actor si Edgar Allan Guzman para sa Deadma Walking.
Sa 44th MMFF last year, pinaka-fantastic sa takilya ang Fantastica ni Vice Ganda.
Sa Rainbow’s Sunset, best friends at lovers sina Ramon (Eddie Garcia) at Fredo (Tony Mabesa). Malubha na ang karamdaman ni Fredo, pero naunang pumanaw si Ramon.
Humakot ng tropeyo ang Rainbow’s Sunset sa MMFF 2018, kabilang ang special jury prize para kay Eddie at best supporting actor trophy para kay Tony.
Sa darating na 45th MMFF, inaasahang topgrosser ang M&M: The Mall, The Merrier kung saan magkapatid na nag-aagawan sa pamana ng kanilang lola ang papel nina Vice Ganda at Anne Curtis.
Nag-Paloma si Coco Martin sa 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon with Jennylyn Mercado at Ai-Ai de las Alas.
Ligwak ang Isa Pang Bahaghari, kung saan best friends si Dom (Phillip Salvador) at ang bading na si Rey (Michael de Mesa).
Sa istorya, may malubhang sakit si Dom at ilang bulate na lang ang hinihintay upang pumirma sa kanyang death certificate.
Pang-award ang akting nina Phillip at Michael, kaso, inayawan ng MMFF 2019 Screening Committee ang seryosong kuwento ng kabaklaan.
NOEL FERRER
Nag-level up ang entries this year, in fairness!
Sa script level, namayani sa comedy genre iyong kay Vice Ganda.
Kaya it was a wise move for Coco Martin to have skewed his entry towards action, dahil wala siyang kalaban doon.
As for the other drama entries, level up din talaga.
Kaya walang kinalaman kung gay film man iyon o hindi, basta maganda... dahil hindi lang ang Isa Pang Bahaghari ang gay film na isinumite sa finished film selection, meron pang iba na tunay na maganda rin.
May ibang nakaungos sa criteria na dati pang naitakda:
40% artistic excellence; 40% commercial appeal; 10% promotion of Filipino cultural at historical values; and 10% global appeal.
GORGY RULA
Hindi maiwasang may sasama ang loob. May kukuwestiyon.
Bago pa pag-usapan ang gay film, siguro, ang sentimyento muna ni Mother Lily na hindi nakapasok ang aspiring entry ng Regal na The Heiress.
Bida sa horror movie na ito sina Maricel Soriano at Janella Salvador.
Pero okay na iyon kay Mother, ayaw na niyang magsalita.
Sa announcement pa lang kahapon, ramdam na niyang hindi pasok ang The Heiress, pero hindi siya umalis kahit sinasabihan na siyang umalis na lang para hindi siya mapahiya.
Sabi ni Mother, ayaw niyang umalis dahil gusto niyang panoorin lahat hanggang sa matapos.
Kaya pinupuri namin siya riyan. Nakakalungkot lang na walang pelikula ang Regal gayong napakalaki ng naiambag ni Mother Lily sa movie industry.
Bilang tulong na lang sana sa kanya na dito man lang, makakabawi-bawi ang Regal sa dami ng mga pelikula nilang hindi kumita this year.
Hindi maitatanggi kung ano ang ipinakitang pagmamahal ni Mother Lily sa movie industry at sa ilan pang sangay ng ahensiyang may kinalaman sa ating industriya.
Pagdating sa Isa Pang Bahaghari, kaagad tinanggap ni Direk Joel Lamangan na hindi ito nakapasok sa MMFF 2019.
Nakausap ko siya bago ang announcement, alam niyang mahigpit talaga ang labanan ngayon ng mga magagandang pelikula.
Sinabi niyang okay lang na hindi makapasok ang pelikula niya basta makapasok lang ang pelikulang Mindanao ni Direk Brillante Mendoza.
Hindi nakapasok ang pelikula ni Direk Brillante na Alpha: The Right to Kill noong nakaraang taon.
Sana, maganda ang kalabasan ng mga pelikulang maglalaban-laban sa darating na MMFF, at isantabi na ang samaan ng loob at kanegahan.