JERRY OLEA: Maggi-guest pa ba si Senador Bong Revilla sa teleserye ni Alden Richards na The Gift?
“Hoy! Ang hindi nila alam, mali ang impormasyon nila! Si Alden ang magge-guest doon sa bagong show ni Bong Revilla, ‘no?!” bulalas ni Manay Lolit Solis (manager ni Sen. Bong) ngayong Sabado, Nobyembre 23, habang nasa SCTEx kami papunta sa Clark, Pampanga kung saan gaganapin ang birthday party ng Beautederm CEO na si Ms. Rhea A. Tan.
“Baka next week, magti-taping na sila. Initial taping. Iyong parang monthly story, ano bang tawag doon? Anthology?”
Ito raw ang papalit sa magtatapos nang Daig Kayo ng Lola Ko sa GMA-7.
“Grabe raw talaga iyong vertigo ni Tita Glo [Gloria Romero]. Parang hindi na talaga gustong magtrabaho, kaya kailangang palitan na,” sambit ni Manay Lolit.
Pinangunahan ni Tita Gloria ang Daig Kayo ng Lola Ko. Nang magkasakit siya, humalili rito si Nova Villa.
May comeback movie na ba si Sen. Bong?
Napangiti si Manay Lolit, “Iyan ang talagang kailangang abangan nila. Kasi ang magiging ka-partner diyan ni Bong, box-office star ngayon. Isang young star.
“Ang story, parang Vagabond ni Lee Seung-gi. Ang papel ni Bong, isang disgraced man na sa pagliligtas niya sa kanyang pamangkin or something, iyong journey niya to redemption... doon nangyari!”
GORGY RULA: Mahirap pang pangunahan.
Mas mabuting hintayin na lang muna natin ang official announcement mula sa GMA-7.
Pero gusto na ni Sen. Bong na bumalik sa showbiz dahil ito talaga ang first love niya.
Bukod sa sinasabi ni Manay Lolit na young actress na makasama niya sa movie, ang pagkakaalam ko, uunahin niya ang isang pelikulang may pagka-comedy kung saan gagamitin ang isang sayaw na muli niyang pinasikat.
Hindi yata dance musical ang pelikula, pero inaayos pa kung matutuloy ang pagkuha nila sa isa ring sikat na international celebrity para maka-partner niya.
Bukod sa mga pinagkakaabalahan niya sa Senado, gusto rin niyang bigyan ng oras ang trabaho niya bilang artista.
NOEL FERRER: Back to your first love—kung saan ka minahal at nakilala.
Nakaka-excite makita ang pagbabalik-telebisyon at pelikula ni Senator Bong Revilla.
Wholesome na pampamilya ang naging tatak niya!
Kap's Amazing Stories ang pinanggalingan niya sa TV at Idol Ko sa Kap!
Aabangan natin ang susunod niyang proyekto!