JERRY OLEA
Suportado ng mga kaibigan nina Janella Salvador at McCoy de Leon ang premiere night ng The Heiress na ginanap sa Cinema 7 ng SM Megamall nitong Martes, November 26.
Dumating ang magkasintahang Maja Salvador at Rambo Nuñez, Arjo Atayde, Alexa Ilacad, at Pamu Pamorada ng PBB.
Sabi nga ni Janella, hindi pa niya naimbita si Maja, nagprisinta na itong dadalo sa premiere night para sumuporta sa pelikula niya.
“Sobrang thankful ako sa lahat na nagpunta. Especially yung cast ng Killer Bride, nagpunta sila.
“Si Ate Maja, siya mismo, nasabing ‘support natin yung movie ni Emma,'" pagtukoy ni Janella sa character niya sa The Killer Bride.
Namataan din naming nanood si Markus Paterson na nali-link kay Janella.
Pero kaagad iniwas ng taga-Star Magic si Markus sa movie press na gusto sanang mag-interview sa kanya.
“Of course!” bulalas naman ni Janella nang binanggit naming nandoon si Markus.
Sinundan ko siya ng tanong kung sa anong level na ba ang relasyon nilang dalawa, pero napakibit-balikat lang siya.
“Pag ready na kami, sasabihin namin sa inyo,” makahulugan niyang sagot sa amin.
Si Arjo naman ay sumuporta siyempre kay Maricel Soriano, sa Nanay Sabel ni Elai ng The General’s Daughter.
Doon na rin ay sumingit kami ng tanong sa Kapamilya actor kung napaplano naman ba ang dinner nila uli kasama na ang pamilya ni Maine Mendoza.
“Opo,” medyo naaalangan niyang sagot.
“Sa amin na lang po muna yun, and I’m happy na may time kami with our family. Pero sa amin na lang po muna yun,” sabi pa niya.
Palabas na ngayong araw ang The Heiress na bagay na bagay sana talaga sa MMFF.
Tiyak na matutuwa rito ang fans ni Maricel, na magaling pa rin at bagay sa kanya ang role bilang tiyahin ni Janella na mambabarang.
NOEL FERRER
Hihintayin ko kung paano magkonek itong The Heiress sa mga manonood na Pinoy.
Ang matinding nakatapat ng pelikulang ito sa MMFF ay ang Sunod ni Carmina Villarroel.
Kalidad at pagtanggap ng masang Pilipino—acid test iyan ngayon para sa The Heiress.
JERRY OLEA
Noong Martes ng gabi rin ang premiere screening ng Unbreakable sa Cinema 1 ng SM Megamall.
Andaming sumuporta sa premiere ng pelikula nina Bea Alonzo, Angelica Panganiban, Richard Gutierrez, at Ian Veneracion.
Dumating sa premiere sina Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Charo Santos-Concio, Malou Santos, Glaiza de Castro, Alyssa Valdez, Smokey Manaloto, Jameson Blake, Frankie Russel, Christian Bables, Dominic Roque, Annabelle Rama, Pooh, at Agot Isidro.
Graded A ng CEB (Cinema Evaluation Board) itong Unbreakable.
Sa 18 Pinoy films na nag-open this November, inaasahan kong itong Unbreakable ang pinakamalakas.