GORGY RULA: Magkakaroon ng acoustic live session si Yeng Constantino sa Martes, December 10, sa Delgado.112, Quezon City.
Bahagi pa rin ito ng promo ng MMFF entry ng TBA Studios na Write About Love na pinagbibidahan nina Miles Ocampo at Rocco Nacino, kasama siya at si Joem Bascon.
Ang ganda ng rendition ni Yeng ng theme song nitong "Ikaw Ang Akin" na sinulat ni Direk Crisanto B. Aquino.
Puwedeng lumaban ito sa Best Original Theme Song.
May isa pa siyang kinanta sa pelikulang ito na sariling version niya ng "Kapag Ako ay Nagmahal," na ginawa naman ni Joyce Ramirez ang music video.
Isa ako sa pumuri sa acting dito ni Yeng, pero hindi na raw niya iniisip na lalaban siya sa Best Supporting Actress category.
Ang gusto lang daw niya ay mapansin siya sa pelikulang ito dahil gusto na rin niyang mag-focus sa pag-arte. Kaya nag-audition siya para sa role na ito.
“Ang panalangin ko po talaga for this project na kung makitaan po ako ng potential ng industriya, sana marami pong kumuha sa akin,” pahayag ng singer/actress noong nakaraang premiere night.
JERRY OLEA: Llamado si Judy Ann Santos na mag-Best Actress sa MMFF 2019 para sa Mindanao.
Bet ko na mag-Best Supporting Actress si Yeng Constantino para sa Write About Love. Kaso, mahigpit ang labanan.
Andiyan ang Culion girls na sina Meryll Soriano at Jasmine Curtis-Smith, ang child performers na sina Xia Vigor (Miracle in Cell No. 7) at Yuna Tangog (Mindanao), comediennes na sina Ai-Ai delas Alas (3Pol Trobol: Huli Ka Balbon) at Pokwang (Mission Unstapabol: The Don Identity), Mylene Dizon sa Sunod, among others.
NOEL FERRER: Maganda pa ring magtatapos si Yeng Constantino with a good theme for a good film. Naging kontrobersyal din at makulay ang taon ni Yeng with her upheaval of emotions doon sa nangyari sa kanyang asawa sa Siargao.
Naaalala ko, may isa pa tayong tanong sa PEP.ph na hindi pa rin nagbibigay si Yeng ng sagot—yung paglilinaw ng ibang composers tungkol sa pagkakahawig ng refrain ng "How Did You Know?" at ang stanza ng kanta niyang "Ikaw."
Maaari niyang sabihin na naging inspirasyon niya ang kanta ni Cecille Azarcon pero hindi talaga maitatanggi ang pagkakahawig.
In any case, at least, masaya tayong may bago siyang magandang kanta. At may bonus pang magandang pelikula.
Good luck, Yeng!