NOEL FERRER
Sa McKinley West stage nagtapos ang pinakamahabang parada ng mga bituin sa Metro Manila Film Festival na umabot ng 15.2kms ngayong Linggo, Disyembre 22, sa Taguig City.
Super pasalamat ang mga artista sa traffic enforcers, sa mga pulis at security, at sa bumubuo ng MMDA/ MMFF para sa maayos at masayang parada.
Naki-cooperate ang weather dahil maaraw at hindi naging problema ang init sa paghihintay ng mga tao sa floats na talaga namang pinaghandaan at pinaghirapan.
Namangha ako sa big stars na talagang walang reklamo at ninamnam ang kasiyahan ng pagiging artista sa parada.
Sina Vic Sotto, Pokwang, Lee O’Brian, Joel Torre, Ruby Ruiz at ang mga Culion cast members na nauna sa assembly area ay walang pagseselan. Game silang lahat.
Kita naman sa floats na in-enjoy nina Judy Ann Santos, Aga Muhlach, Vice Ganda at maging si Coco Martin na nag-mujer sa Parada ng mga Bituin.


Sa backstage, nakunan kong naghintay at hindi mapaghiwalay sina Juday, Iza Calzado at Mylene Dizon na nagkaroon ng impromptu na lakad at bonding—patunay lamang na magkakaiba man ang kanilang mga pelikula, nagsusuportahan at nagmamahalan sila bilang tunay na magkakaibigan.

JERRY OLEA
Agaw-eksena siyempre sa Parada ng mga Bituin ang maalindog na si Paloma (Coco Martin) sa float ng 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon.
Malakas din siyempre ang hatak ni Maine Mendoza sa float ng Mission Unstapabol: The Don Identity.
May tulog ang float ng The Mall, The Merrier sa float ng Mindanao.
GORGY RULA
Base sa nakita ko sa FB live na ipinu-post ng mga artista at production staff ng bawat entry, ang init ng pagtanggap sa kanila ng mga tao, at doon mo talaga ramdam na Paskung-Pasko na.
Ang nakakatuwa pa, talagang kinarir nila ang mga float na ginamit.
Pero ang ganda pa rin talaga ng Mindanao float na kinarir ni Direk Brillante Mendoza ang design at personal niyang inayos.
Ang tsikang nakarating sa akin, hinatid daw si Vice Ganda ng motor para umabot lang sa parada.
Dito na rin nakikita at ramdam na sa unang araw ng showing ay maglalaban sa takilya ang 3Pol Trobol ni Coco Martin, ang Mission Unstapabol: The Don Identity ni Vic Sotto at ang The Mall, The Merrier nina Vice Ganda at Anne Curtis.
Abangan natin iyan sa Miyerkules!
