JERRY OLEA
Nagiging kontrobersiyal ang banyagang pelikula na The First Temptation of Christ, kung saan babading-bading ang 30-anyos na si Jesus at nagma-marijuana ang ina niyang si Mary.
Rated 18+ ito dahil sa “Language, Nudity, Substance.”
Nag-umpisa ang streaming nito sa Netflix noong Disyembre 3, 2019.
Ang running time nito ay 46 minuto at 19 segundo. Ang genre nito ay comedy, dark comedy.
Mula ito sa bansang Brazil, at ang wika ay Portuguese.
“A Christmas special so wrong, it must be from comedians Porta dos Fundos,” saad sa description ng Netflix sa pelikula.
Ang Porta dos Fundos ang siya ring nagprodyus ng pelikulang The Last Hangover, na ipinalabas sa Netflix umpisa Disyembre 21, 2018.
Sa The Last Hangover, gumanap si Fabio Porchat bilang Jesus Cristo, si Gregorio Duvivier bilang alagad na si Judas, at si Antonio Tabet bilang alagad na si Tome (Tomas).
Sa The First Temptation of Christ, gumanap si Gregorio Duvivier bilang Jesus Cristo, si Antonio Tabet bilang Deus (Diyos), at si Fabio Porchat bilang babading-bading na si Orlando, na kinalaunan ay si Lucifer pala.
Susmaryosep!!! Ang dating Judas, naging Jesus! Ang dating Jesus, naging Lucifer!
Or is it the other way around, dahil ang mga kaganapan sa The First Temptation of Christ ay nauna sa The Last Hangover?
Itong Netflix comedy na The First Temptation of Christ ay parody ng kontrobersiyal na pelikulang The Last Temptation of Christ (1988), na adaptation ng kontrobersiyal na 1955 Greek novel ni Nikos Kazantzakis na kapareho ang pamagat.
Sa pelikulang The Last Temptation of Christ, pinakasalan ni Jesus (Willem Dafoe) si Mary Magdalene (Barbara Hershey).
Nang mabiyudo si Jesus, inasawa niya ang sisters ni Lazarus na sina Mary at Martha, at nagkaroon sila ng maraming mga anak.
Rated X ito noon ng MTRCB, pero sa umpisa ng bagong milenyo ay naglipana na ang pirated DVD nito sa bansa.
Streaming sa Netflix ang The Last Temptation of Christ, maging ang kontrobersiyal na pelikulang The Da Vinci Code (2006), na halaw sa 2003 best-selling novel ni Dan Brown na kapareho ang pamagat.
Pinalutang ng The Da Vinci Code na kesyo pinakasalan ni Jesus si Mary Magdalene, nagkaanak sila, at buhay pa ang kanilang lahi.
Dahil sa kontrobersiya sa pelikulang The Da Vinci Code ay blockbuster ito sa takilya.
Umabot sa $758M ang worldwide gross nito.
Ang “sequel” nitong pelikula na Angels & Demons (2009) ay $485M ang worldwide gross, at ang kasunod sa istorya na pelikulang Inferno (2016) ay $220M ang worldwide gross.
Available din ang mga pelikulang ito sa Netflix.
Teka! Naaalala pa ba ninyo ang mga nag-alburuto noong 2013 sa nobelang Inferno ni Dan Brown dahil nabanggit dito na nasa Manila ang “gates of hell”?
Siyangapala, iyong The Last Hangover ay biblical spoof ng 2009 comedy film na The Hangover.
Pinaglaruan dito ang mga kaganapan sa Last Supper o Huling Hapunan, na sa paniniwala ng mga Kristiyano ay naganap bago ang pagpako kay Kristo sa krus. Ginugunita ito tuwing Kuwaresma.
Tumagal ng 44 minuto at 8 segundo ang running time ng The Last Hangover, na Portuguese din siyempre ang wika.
Rated 18+ din ito dahil sa “Language, Nudity, Substance.”
Ang literal na kahulugan ng pangalan ng production outfit na Porta dos Fundos ay “Back Door.”
Nitong Disyembre, sinasabing umani na ng iba' t ibang petisyon sa online campaign platform na tanggalin ang The Last Temptation of Christ at The Last Hangover mula sa Netflix dahil sa content nito na umaatake sa paniniwala ng mga Kristiyano.
NOEL FERRER
Kakaiba sa digital streaming age, hindi na dumaraan sa MTRCB kaya lahat ay may access na rito.
Pinaiiral na lang ang free will at freedom of choice kung anuman ang gustong panoorin ng tao.
Dahil sa kalayaang ito, I’m sure, marami pang susubok sa limits ng puwedeng gawin sa streaming platforms na patuloy ring hahamon sa anong posibleng content ang puwede nating mapanood.
Sa huli’t huli, it’ll ultimately be our choice—kung tatangkilikin natin ito o hindi!
GORGY RULA:
Ito ay bunga lang ng kalikutan ng kanilang imahinasyon.
Nasa mga tao na lang iyan kung papanoorin nila o hindi.
Definitely, hindi naman ito makakapagbago ng ating pananampalataya sa Diyos.
Kung ako ang tatanungin, wala akong balak na panoorin itong The First Temptation of Christ.