JERRY OLEA
Inabangan ko ang pagsasama-sama ng MMFF Hall of Famers na best actress sa 45th MMFF Gabi ng Parangal nitong Disyembre 27, Biyernes, sa New Frontier Theater, Araneta Center, Quezon City.
Kaso, si Amy Austria lang ang dumating.
Waley sina Nora Aunor, Maricel Soriano at Vilma Santos.
Hinika ba si Ate Guy kaya ang tumanggap ng kanyang Hall of Fame trophy ay si Ricky Lee?
Ang kinatawan ni Maricel ay ang pamangkin niyang si Meryll Soriano, at binasa ni Meryll ang acceptance speech ng Diamond Star.
Naintindihan ko na inisnab nina Nora at Maricel ang Gabi ng Parangal.
Ligwak kasi sa MMFF 2019 ang kani-kanyang pelikula na Isa Pang Bahaghari at The Heiress.
Kung dumalo sila, para na ring pagtanggap nilang tumpak ang pasya ng MMFF 2019 Selection Committee.
E, si Ate Vi na isa sa mga hurado ng MMFF, ano ang nangyari?
Bakit wala siyang proxy? Bakit walang nagpaliwanag kung nasaan siya?
Ayon sa source ng PEP Troika, papunta na si Ate Vi sa New Frontier Theater nang masira ang kanyang damit, kaya hindi na siya tumuloy. Tsk! Tsk! Tsk!
Nagpakita pa naman ng puwersa ang Noranians at Vilmanians kagabi, ngunit hindi nila nasilayan maski anino ng Superstar at Star for All Seasons.
Ang MMFF Hall of Famers na best actor ay sina Christopher de Leon, Cesar Montano, at Anthony Alonzo (RIP).
Present pareho sina Christopher at Cesar, at kapwa nila inialay sa Panginoon ang natamo nilang award.
Si Boyet ay isa rin sa mga hurado.
Christopher de Leon, Amy Austria, and Cesar Montano
Sina Cesar at RS Francisco ng Frontrow ang presenters ng best actor award na napanalunan ni Allen Dizon para sa Mindanao.
Ang MMFF Hall of Famers na best supporting actress ay sina Eugene Domingo at Cherie Gil.
Nasa abroad si Uge kaya ang tumanggap ng award niya ay si Direk Jose Javier Reyes.
Sa Enero pa raw ang balik ng mahusay na comedienne.
Lahad ni Direk Joey Reyes, “Tinawagan niya ako. Ang sabi niya, tanggapin ko ito para sa kanya at pasalamatan ang kanyang mga direktor na nagbigay ng parangal na ito sa kanya.
“Iyan ay si Wenn Deramas... at ako. Maraming salamat ho!”
Walang tumanggap ng trophy ni Cherie.
Wala pang MMFF Hall of Fame bilang best supporting actor.
Dalawa ang MMFF Hall of Fame trophy ni Jose Javier Reyes—bilang direktor, at bilang scriptwriter.
Ang dalawa pang nasa MMFF Hall of Fame bilang best director ay sina Joel Lamangan at Marilou Diaz-Abaya (RIP).
Present si Direk Joel, na isa rin sa mga hurado ng MMFF 2019.
Joel Lamangan and Jose Javier Reyes
Ang dalawa pang nasa MMFF Hall of Fame bilang best scriptwriter ay sina Ricky Lee at Roy Iglesias. Present sila.
Para mapasama sa MMFF Hall of Fame, one must have at least three awards in the same category.
At kahit nasa MMFF Hall of Fame ka na, pwede ka pa ring lumaban at manalo sa mga darating pang Gabi ng Parangal ng MMFF.
NOEL FERRER
“Nagkaroon ng malfunction ang damit ni Tita Vi. Hindi na aabot kung uuwi alabang. hindi na daw makakapunta. Very very sorry daw,” ito ang text ng representative ni Ate Vi, na sayang naman at hindi nakadalo dahil inaasahan talaga siya lalo na ng Vilmanians.
Maayos pa rin naman at nakakasenti at proud pa ring makitang sama-sama ang mahuhusay at hinahangaang awardees sa iisang entablado.
Espesyal pa rin ang presentasyon ng MMFF 2019 Gabi ng Parangal.
Pero more than the awards, uulit-ulitin ko ang panawagan sa audiences, naigawad na ang mga awards. May mga mahuhusay na pelikula.
Sana tangkilikin ninyo ang hinihiling ninyong maaayos na pelikula.
GORGY RULA
In fairness kay Amy Austria, noong nakausap niya si Tita Boots Anson-Rodrigo, kaagad siyang nag-commit na dadalo.
Nagpagawa na siya ng damit at na-shorten ang Christmas vacation nila sa Batangas.
Ang buong akala ni Amy, darating ang mga kasabayan niyang Hall of Famers at minsan lang daw niyang makasama sina Ate Vi, Ate Guy, at Mama Mary sa isang entablado.
Yun pala, siya lang ang mismong tatanggap ng naturang parangal.
Pero masaya siya at proud na proud ang asawa niyang si Duke Ventura na nag-post pa sa Facebook.
JERRY OLEA
Apat ang special awardees bilang MMFF Stalwarts—ang National Artist na si Dr. Bienvenido Lumbera na tatlong taon nang chairman ng MMFF Selection Committee; ang “puso” ng MMFF at tinaguriang “Ina na Tagapangalaga at Ina ng Laging Saklolo” na si Boots Anson-Rodrigo; ang dating Pangulong Joseph Ejercito “Erap” Estrada; at si Maria Azucena Vera-Perez Maceda, na kaisa-isang Manay Ichu ng industriya ng pelikulang pelikula.
Dahil sa health concerns ay wala si Manay Ichu, pero binasa ni Boots ang text message nito sa kanya.
Present si Sir Bien.
Ang tumanggap ng award ni Erap ay ang anak niyang si dating Senador Jinggoy Estrada.
Bienvenido Lumbera, Boots Anson-Rodrigo, Jinggoy Estrada (representing his father Joseph Estrada)
As always, si Boots ang nagpasimuno ng Invocation sa programa.
May AVP sa paggunita sa mga yumaong taga-industriya ngayong 2019—Direk Mel Chionglo, Amalia Fuentes, Mona Lisa, Tony Mabesa, at Eddie Garcia.
Sa souvenir program ng MMFF 2019, bukod sa limang nabanggit ay nasa “In Memoriam” ang pangalan ni Cesar Apolinario (best director sa MMFF 2007 para sa pelikulang Banal).