GORGY RULA: Lalong lumaki ang lamang ng kita ng Miracle in Cell No. 7 ni Aga Muhlach sa sumusunod na The Mall, The Merrier nina Vice Ganda at Anne Curtis.
May mga umaasa pa kasing makahabol ang The Mall, The Merrier, pero mukhang malabo na itong mangyari dahil patuloy pa ring lumalakas sa takilya ang miraculous movie ni Aga.
Ayon sa nakalap namin mula sa aming sources, as of Saturday, January 4, umabot na ng P350M ang kinita ng Miracle in Cell No. 7, at P305M naman ang The Mall, The Merrier.
Tumaas ang pumangatlo na 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon ni Coco Martin, pero malayo pa rin ang agwat nito sa second topgrosser. Naka-P80M na ito, at P70M naman ang Mission Unstapabol: The Don Identity nina Vic Sotto at Maine Mendoza.
Ang Sunod ni Carmina Villaroel ay naka-P20M na, at P15M naman ang Mindanao.
Pumang-anim ang Write About Love na mahigit P5M na ang kinita, at panghuli ang Culion na halos P4M naman ang kinita.
Sa takbo ng mga pangyayari, mukhang mahihirapan nang mahabol ang box-office record ng nakaraang taon.
At ang latest na narinig ko, dahil daw sa success ng Miracle in Cell No. 7, totoo kayang may binili na raw ang Viva na isa pang nag-hit na Korean film at baka ito uli ang ia-adapt nila para gagawin nilang entry sa susunod na MMFF?
Narinig ko ring puwede rin ang Pedro Penduko ni Matteo Guidicelli pero wala pa silang na-finalize.
JERRY OLEA: Relatively magkakalapit ng kita sa takilya ang first at second, ang third at fourth, ang fifth at sixth, at ang seventh at eighth.
Nawa’y masundan ni Aga ng isa pang box-office hit ang Miracle in Cell No. 7.
Si Judy Ann na Best Actress ng 45th MMFF, hopefully ay makapag-umpisa na ng shooting this January sa biopic ng Regal matriarch na si Mother Lily Monteverde.
Inaasam din natin na mailunsad nang maluwalhati ang 1st Metro Manila Summer Film Festival sa Black Saturday!
NOEL FERRER: Sabi nina Direks Kip Oebanda & Emman de la Cruz’s post—this year’s MMFF gross is just like the 2016 gross.
NOT TRUE.
2016’s P375M gross, na sinagot agad ng iginagalang nating si Atty. Joji Alonzo, kung tutuusin, is just the gross of one movie in this year’s MMFF.
Maglalabas ang MMFF Execom ng total gross until the end of the festival sa Wednesday. At sana, mas marami pang manood ng mga pelikulang nabigyan ng awards para makatulong pa ito lalo sa mga expected nang kikita sa takilya tulad ng kina Vice, Coco at Vic. Thank you rin sa pelikula ni Aga na nananatili ring malakas.
Knowing the situation ng mga sinehan sa Visayas at Mindanao, masaya pa rin tayo na ang Mindanao (dahil sa MMFF ito) ay ang pinakamalakas nang pelikula ni Direk Brillante so far. Well, critics say that it is the most relatable of his films daw. Sana rin, iyung mga naghahanap ng mga awarded films will support Write About Love, Sunod and Culion.
In the final analysis, ang ibinaba ng total gross may also be attributed sa pagbaba ng performance ng mga nakasanayan nang kumikitang pelikula.
Malalaman natin ang official numbers soon and we’ll try to outline some learnings -- hindi para pagtawanan ang nangyari o ibalik ang nakaraan, kundi set a precedent for a broader improvement for the years to come.