JERRY OLEA
Patok sa teenagers ang pelikulang To All The Boys I’ve Loved Before, na nagsimula ang streaming sa Netflix noong Agosto 17, 2018.
‘Kakakilig ang tambalan dito nina Lana Condor at Noah Centineo!
Isa sa most anticipated films sa Netflix ang sequel nito, ang To All The Boys: P.S. I Still Love You, na nakatakdang mag-streaming sa Pebrero 12, 2020, swak sa pagdiriwang ng Valentine’s Day.
Excited ang fans nang mabalitang dadalhin ng Bench si Noah sa Pilipinas para sa Meet & Greet.
Kaso, nag-rain check ang Bench nitong Pebrero 5, Miyerkules ng tanghali.
Nakita ko sa Twitter at Facebook accounts ng Facebook ang kanilang announcement:
“As excited as we are, it breaks our hearts to say that the Noah Centineo Meet & Greet event scheduled for February 16 is cancelled until further notice as we prioritize everyone's safety and health due to the current nCov virus situation.
“Thank you for understanding. Stay safe everyone and please do stick around our social media accounts (@benchtm) for further details.”
Siyanga pala, ayon sa Wikipedia, ang ikatlong pelikula sa trilogy (To All The Boys: Always and Forever, Lara Jean) ay nagsimula ng principal photography noong Hulyo 15, 2019.
NOEL FERRER
Health and safety first, naiintindihan naman natin iyan!
Ilan kayang local shows at movies (lalo na ngayong Valentine’s month) ang magiging apektado sa ganitong health advisory na iwasan muna ang crowded na venues at events?
GORGY RULA
Kahit ang ilang celebrities dito sa atin na balak sanang magbakasyon sa ibang bansa, ipinagpaliban muna nila ito dahil mabuti na ngang nag-iingat.
Ang mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera, na balak din sanang magbakasyon bago magsimula ang Descendants of the Sun, hindi na raw muna nila itutuloy.
“Hindi pa puwede lumabas, e. Kaya manood na lang kami ng Descendants,” napapangiting pahayag ni Dingdong.
Kaya ganun din malamang ang nararamdaman ng nasa ibang bansa.
Ang luwag nga raw ng airport ngayon.
Ang naisip ko lang, kakayanin kaya ng gobyerno natin sakaling tuluyan nang pasukin ng epidemyang ito ang bansa natin?