NOEL FERRER
Pinost ko sa Facebook na ABS-CBN franchise renewal is a test case, especially to media workers.
I’m interested in hearing the stand of our friends in media—especially from GMA, CNN, TV5, and other networks—on this issue that transcends network wars.
Pinahalagahan ko ang post ni Eugene Domingo at dating GMA reporter na si Michael Fajatin, na ngayo’y nasa UNTV na, dahil sa matapang nilang pagsasapubliko ng kanilang posisyon sa issue na isang legit media concern.
Habang hinihintay natin ang tugon ng iba pa nating kaibigan sa media—tulad ng pakikiisa rin nina Dingdong Dantes, Hans Montenegro, at Paolo Bediones—nagulat ako at nagdagsaan ang private messages sa akin ng ibang mga kasamahan natin sa trabaho.
Ayon sa kanila, sinisita at pinipigilan silang mag-post dahil under contract daw sila sa isa pang network.
And their contract stipulates that any “talent should not appear, participate or promote event of any other media entity other than their own.”
Kaya kahit yung ibang nag-sign at nag-post tungkol sa online campaign ng ABS-CBN renewal ay pina-take down daw.
Nakakalungkot kung totoo man ang ganitong sitwasyon.
Dito sa mga pagkakataong ito sinusubok ang tatag natin bilang sektor.
Magpapadaig ba tayo sa takot at pagsasawalang-bahala?
Magandang marinig ang opinyon ng mga tao ukol dito.
JERRY OLEA
Kani-kanyang patakaran iyan. Kung ano ang utos at gusto ng boss, iyon ang dapat sundin ng mga empleyado.
Lilipas din ang isyung ito. Kung ano man ang kahinatnan, huhusgahan ng kasaysayan.
Ilang ulit na ipinahiwatig ni Pangulong Duterte na ipasasara niya ang ABS-CBN Network.
Wala sa himig niyang biro lang iyon.
GORGY RULA
Marami ang naghahangad na hindi matuloy ang pagpapasara sa ABS-CBN.
Yung ibang maka-DDS lang ang gustong mangyari ito, bilang pagsang-ayon sa kagustuhan ni Pangulong Duterte.
Alam din nating lahat na kung ano ang gusto ng Pangulo ay iyon ang masusunod.
Kung naaalala ninyo, noong gusto niyang ipalibing sa Libingan ng mga Bayani ang namayapang Pangulong Ferdinand Marcos, kahit anong pag-aklas ang ginawa, natuloy pa rin ang gusto niya at naipangako sa pamilya Marcos.
Kahit ang ibang artistang nasa kabilang istasyon ay nakiisa sa ipinaglalaban ng Kapamilya network.
Hindi na lang nila ito idinadaan sa social media. Respetuhin na lang natin yun.
NOEL FERRER
May nagpaabot din sa akin ng impormasyong may isang network na maglalabas ng statement ng pakikiisa ABS-CBN at sa freedom of the press. Hihintayin natin ito.
Dito nahihiwalay ang mga puti sa de kolor.
At sabi nga, sa mga pagsubok na ganito makikita kung sino ang maaasahan na lalampas sa pansariling interes.